PAGPAPALAYA KAY SANCHEZ BUBUSISIIN

Antonio Sanchez

NAIS ni Senate Mino­rity Leader Franklin Drilon na ipatawag ang Department of Justice (DOJ) upang busisiin ang proseso kung paano at bakit palalayain si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez na convicted sa kasong panggagahasa at pagpatay.

Matatandaang si Sanchez ang itinurong utak sa pagdukot, panghahalay at pagpatay kay sa UPLB student Eileen Sarmenta at pagpapahirap at pagpatay naman sa nobyo nitong si Allan Gomez noong 1993.

Ayon kay Drilon, sila ang nagsikap noon sa DOJ na maipakulong ang dating alkalde at mga kasabwat nito.

Dahil dito, ipatatawag ng senador si Justice Secretary Menardo Guevarra at ang mga opisyal ng Board of Pardons and Parole (BPP) upang alamin ang ginawang pro­seso para maikonsidera sa pagpapalaya ang isang convicted sa pitong habambuhay na pagkakabilanggo.

“Ating aalamin sa Senado, mag-file ako ng resolution at hihingi ako ng imbestigasyon at alamin kung tama ba ang ginagawa ng BPP tungkol dito. Tayo po ang nagpakulong at nagbigay ng hustisya sa pamilya Sarmenta noong tayo ay DOJ secretary,” ani Drilon.

Hangad ng senador na i-hold muna ng DOJ ang pagpapalaya kay Sanchez habang hindi pa naipapaliwanag ang isyu.

Maliban sa mga kinasangkutang krimen, natukoy rin ang dating alkalde na sangkot sa pagbebenta ng droga sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP) at pagkakaroon ng magarbong pamumuhay sa loob ng national penitentiary. VICKY CERVALES

Comments are closed.