PAGPAPALIBAN SA BAR ELECTION TINUTULAN

SULU-MARIING tinutulan ng mamamayan ng Sulu ang pagpapaliban sa Bangsamoro Autonomous Region (BAR) election at pagpapalawig sa katungkulan ng mga kasalukuyang opisyal ng Bangsamoro Transition Authority (BTA).

Inihayag ni Sulu Governor Abdusakur M. Tan sa kanyang memorandum kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Disyembre 6, 2020, kasabay ng kanyang Zoom meeting sa Suffrage Committee ng Kamara noong Enero 20, 2021.

Sa ilalim ng R.A. 11054 o ng Bangsamoro Organic Law, isasabay sa pambansang halalan sa Mayo, 2022 ang eleksiyon ng mga opisyal ng BAR na sa kasalukuyang pinamumunuan ng mga itinalaga ng Pangulo na pawang kabilang sa BTA.

Limang panukalang batas ang naihain na sa Mababang Kapulungan na nananawagang ipagpaliban muna hanggang taong 2025 ang BAR election at pagpapalawig sa mga opisyal ng BTA.

Ayon kay Tan, ang pagpapaliban sa halalan ng BAR at pagpapalawig sa mga opisyal ng BTA ay magdudulot lamang ng pagka-antal ng karapatan ng mga taga-rehiyon na pamunuan ang kanilang mamamayan at susupil sa kanilang oportunidad at responsibilidad na patunayang kaya nilang pamunuan ang kanilang mamamayan.

Naniniwala ang Sulu Governor na ginagamit lamang ng BTA bilang dahilan sa kanilang kabiguang na makapabuo ng political at legislative infrastructure na magbibigay daan sa maayos na paglilipat ng kapangyarihan.

Aniya, sa anim na prayoridad na batas na itinatakda ng BOL, ang Bangsamoro Administrative Code lamang ang kanilang napagtibay mula nang buuin ang BTA noong 2019.Lima pa ang nakahain, kabilang ang BAR Election Code, dapat na pagtibayin ng BTA kung saan sapat na ang 18 buwan kung nais lumago ang kabuhayan sa Rehiyon.

Inilahad pa ni Tan na ang kapabayaan ng BTA na isaayos ang burukrasya ay nagdulot lamang ng pagkalito at mabagal na pagkakaloob ng pangunahing serbisyo tulad ng edukasyon kaya’t ang pagpapalawig sa kanilang katungkulan ay lalu lamang magpapalala sa sitwasyon.

Binanggit ng gobernador ang naging karanasan sa kanyang lalawigan kung saan sa halos 600 kawani sa iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan na ang tungkulin ay nakatuon sa BAR, 64 lamang ang naitalagang muli habang nasibak na ang marami na hindi na nabigyan ng posisyon.

Sinabi pa ni Tan na mistulang hindi nararamdaman ng mga taga-Sulu ang presensiya ng BAR lalu na’t isa man sa mga opisyal ng BTA ay hindi man lamang bumisita sa lalawigan na ang kinakatuwiran ay ang pandemyang dulog ng Covid-19 gayung ang ibang opisyal, kabilang ang Pangulong Duterte ay nagtungo sa lalawigan.

Inireklamo rin niya ang hindi pantay na pamamahagi ng pondo ng BAR dahil sa P65 bilyong pondo na nakapailalim sa BOL na napasakamay na ng BTA, ang Sulu ay nakatanggap lamang ng P5 milyong sa kanilang provincial government at P1 milyon sa bawa’t munisipalidad kahit na nakakaranas ng krisis dulot ng pandemya.

Nilinaw din niya na hindi lamang mga taga-Sulu ang tumututol sa halalan, kasabay ng hamon sa mga opisyal ng BTA na tumakbo sa 2022 national election kung sa tingin nila ay hindi sila nangangamba na pupulutin sila sa kangkungan.

Hiniling din ni Tan sa Kongreso at sa BTA na komunsulta sa tao at sa lokal na opisyal ng harapan bago tugunan ang nakahaing panukalang batas at kung hindi ito posible dahil sa pandemya, ang mga kongresistang apektado ng panukala ang kanilang tanungin.

Comments are closed.