PAGPAPALIBAN SA SECOND ROUND NG NATIONAL VAX DAY OK SA DOH

INIREKOMENDA ni Health Secretary Francisco Duque, III sa National Task Force Against COVID-19 na ipagpaliban ang second round ng National Vaccination Day sa mga lugar na maaapektuhan ng paparating na bagyo.

Sa halip na sa Disyembre 15 hanggang 17, isasagawa na lamang ang ikalawang ”Bayanihan, Bakunahan” sa Disyembre 20 hanggang 22 sa Southern Tagalog Region, Central at Eastern Visayas at Northern Mindanao.

Itutuloy naman ang bakunahan sa Northern at Central Luzon, at Calabarzon.

Samantala, inihayag ni National Task Force Against Covid-19 Deputy Chief Implementer Vince Dizon, na target ng pamahalaan na mabakunahan ang siyam na milyong indibidwal sa second round ng Bayanihan, Bakunahan na gaganapin sa Disyembre 15, hanggang 17.

Ayon kay Dizon, inaasahan ng DOH na aabot lang sa pitong milyon ang mababakunahan sa ikalawang vaccination drive sa loob ng tatlong araw pero pipilitin nilang maabot ang target na siyam na milyon sa pagbabakuna.

Tiniyak naman ni Dizon sa publiko na magiging sapat ang supply ng mga bakuna at heringgilya sa bansa para sa naturang aktibidad kung saan, prayoridad sa ngayon ang mga tatanggap ng second dose ng bakuna. DWIZ882