PAGPAPALIPAD NG LOBO, FIREWORKS DISPLAY IBABAWAL

BALLOONS-FIREWORKS

NANANAWAGAN ang isang obispo ng Simbahang Katolika sa mga local government units (LGUs) na ipagbawal na ang pagpapalipad ng mga lobo at pagsasagawa ng fireworks display dahil nakakadagdag ito sa nalilikhang mga kalat at polusyon sa kalikasan.

Ayon kay Tagbilaran Bi­shop Alberto Uy, ang mga toxic na inilalabas ng  fireworks ay lubhang mapanganib sa kalusugan ng tao kung nalalanghap ito at nagiging dahilan din ng polus­yon sa hangin habang lumitaw naman sa isang pag-aaral, hindi nabubulok ang mga pinalipad na lobo at magiging malaking pinsala ito sa marine ecosystem kung sa karagatan mapupunta sapagkat magdudulot ito ng pagkasira sa mga yamang dagat tulad ng mga isda.

“Local Government Units and Churches should stop the practice of releasing Balloons practice of fireworks display,” panawagan pa ni Uy, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Sinabi ng obispo na dapat na magtulungan ang lahat ng sektor ng lipunan upang pa­ngalagaan ang kapaligiran at sugpuin ang mapaminsalang aktibidad na nakasanayan para sa ikabubuti ng susunod na he­nerasyon.

Batay sa ulat ng Ocean Conservancy noong 2017, ikatlo ang Filipinas sa mga bansa sa Asya na nagtatapon ng mga basurang plastik sa karagatan habang ang Estados Unidos ay nakapagtala naman ng 33.6 mil­yong tonelada ng mga plastik kung saan halos 10 porsiyento lamang ang na-recycle.

Nabatid na sinisikap ng obispo na mapagkaisa ang mananampalataya sa nasasakupang diyosesis upang lingapin ang unti-unting nasisirang kalikasan upang mapigilan ang tuluyang pagkasira at maisalba ang kinabukasan ng mga kabataan.

Una na ring hinimok ng Obispo ang mamamayan na makiisa sa tree planting activity sa darating na Setyembre 1, para higit na maparami ang mga punong kahoy na makatutulong upang mabawasan ang pagkasira ng kalikasan partikular na ang mga kabundukan. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.