PIPILITIN ng Department of Transportation-Metro Rail Transit Line 3 (DOTr-MRT-3) na matapos ang pagpapalit ng mga riles sa Setyembre.
Ayon sa DOTr-MRT-3, mas maaga ito sa naunang target na Pebrero 2021.
Sa sandaling matapos, ang mga tren ay makabibiyahe na sa bilis na 60 kilometers per hour mula sa 30 kph sa Disyembre.
“Buhos trabaho tayo sa paglatag ng mga bagong riles. Ang sabi po ng mga kontratista natin, we are on time sa paglatag ng bagong riles. In fact, noong huling pulong ko sa kanila, sinabi nilang pipilitin nilang tapusin sa buwan ng Setyembre, higit na maaga kaysa sa orihinal na scheduled completion nito sa February 2021,” pahayag ni Transportation Secretary Arthur Tugade.
“Tinututukan po natin ito upang lalong mapabilis, nang sa gayon ay mapakinabangan na ng ating mga kababayan,” sabi pa ni Tugade.
Sa kasalukuyan, nasa 36,540 linear meters o 55.45% mula sa 65,892 linear meters na ng riles ang napalitan kung saan 5,616 linear meters ang pinalitan sa panahon ng enhanced community quarantine.
Ang paglalagay ng anim na pirasong long-welded rails (LWRs) mula sa GMA-Kamuning Station hanggang Araneta-Cubao Station (Southbound) ay natapos noong nakaraang Abril 15, habang ang 14 LWRs ay nakumpleto mula Araneta-Cubao Station hanggang Santolan-Annapolis Station (Southbound) noong nakaraang Abril 23.
Comments are closed.