LIBAN sa Baler, marami pang naggagandahang beach ang lalawigan ng Aurora na maaaring dagsain ng mga turista ngayong ‘di pa bukas sa publiko ang Boracay.
Ito ang pahayag ni Senador Sonny Angara kaugnay sa kanyang paghimok na lalo pang palusugin ang lumalakas na turismo ng naturang lalawigan.
Ilan lamang, ayon sa senador ang Dinadiawan beach sa Dipaculao at ang Casapsapan beach sa Casiguran sa mga kaakit-akit at malilinis na dagat sa Aurora na hanggang ngayon ay ‘di natutuklasan ng karamihang turista.
“Ang hindi alam ng marami, mayroon din kaming Boracay dito sa Aurora. Habang sarado pa ang Boracay, magandang pagkakataon ito para ma-promote ang iba pang tourist destinations ng bansa, lalo na sa mga pinakamahihirap na probinsya,” ani Angara.
Mula 10,782 tourist arrivals noong 2007, nakapagtala ng 1.2 million tourists ang bayan ng Baler nitong 2017. Kung ang Boracay ay dinaragsa ng 2 million tourists kada taon, kaunting promosyon na lamang at posibleng umarangkada rin ang maliit na bayan ng Baler.
Ayon kay Angara, kung masusustina ang takbo ng turismo sa mga malilit at mahihirap na probinsya, malaking tulong din ito sa kabuhayan ng mga residente.
Dahil dito, hinimok ni Angara, chairman ng Senate local government committee, ang mga pinuno ng pamahalaang lokal na pagtuunan ng kaukulang pansin ang kanilang turismo, gayundin ang pagsasaayos ng kani-kanilang imprastraktura at pasilidad upang maging kaaya-aya ang mga ito sa mga bisita at negosyo.
Sa kanyang pagbisita sa Baler nitong Sabado para sa pagdiriwang ng ika-16 Phil-Span Friendship Day, sinabi naman ni Tourism Secretary Berna Romulo-Puyat na kahit sikat na bilang surfing haven ang Baler sa mga local at international tourist, dapat ding ipakilala, itaguyod at tangkilikin ang iba pang naggagandahang beach sa Aurora.
“Pero ang maganda sa Aurora, bukod sa beaches, dinarayo rin ang mga masasarap na pagkain dito,” ayon kay Puyat.
Nitong ika-30 ng Hunyo, muling ipinagdiwang ang makasaysayang pagkakaibigan ng Pilipinas at Espana, na napagtibay sa nilikhang batas ng yumaong Senador Ed Angara: Ang Philippine-Spanish Friensdship Day o ang RA 9187.
Ngayong taon, pinarangalan din sa selebrasyon ang namayapang senador na siyang nagsulong sa pagsasabatas nito. VICKY CERVALES
Comments are closed.