NOON pa man ay madalas na nating marinig ang mga katagang ‘Health is Wealth’ at ang katotohanan sa kasabihang ito ay hindi maitatanggi lalo na ngayong panahon ng pandemya. Tumaas ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa mula sa 25% patungo sa 39% bilang epekto ng pandemya.
Hanggang ngayon ay maraming pamilya ang nagsusumikap na makahanap ng hanapbuhay upang matustusan ang kanilang araw-araw na gastusin, kasama ang pagpapanatili ng kanilang kalusugan.
Upang matulungang mapanatili ang kalusugan ng mga pamilyang lubhang naapektuhan ng pandemya, kinakailangang maglunsad ang pamahalaan ng mga programang tutugon sa suliraning ito. Isang magandang halimbawa rito ang napaka-epektibo at matagal nang operasyon ng Malasakit center.
Ang Malasakit Center ay programa ng administrasyon ni Pangulong Duterte. Ito ay isang napaka-epektibong programa na nakatutulong sa pagpapabilis ng pagbibigay ng serbisyong medikal at libreng gamot sa mga indibidwal na walang sapat na pera upang makapagpatingin sa isang clinic o ospital.
Ang nasabing programa ay ipinatutupad sa tulong ng mga ahensiya ng pamahalaan gaya ng Department of Health (DOH), De-partment of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Philippine Amusement Gaming Corp.(PAGCOR), Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), at ng Office of the President.
Ang proyektong ito na binuo ni Senator Christopher Lawrence ‘Bong’ Go bilang chairman ng Senate Committee on Health, ay naglalayong makapagbigay ng serbisyo sa mas maraming mamamayan na nangangailangan ng serbisyong medikal at upang matustusan ang mga pangangailangan ng mga ito na may kaugnayan sa pagpapanatili ng kalusugan.
Ayon kay Senator Go, kapansin-pansing bumilis ang serbisyong ito dahil sa tulong ng opisina ni Pangulong Duterte. Aniya, siniguro ni Pangulong Duterte na magbibigay ng suporta ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na naaangkop magbigay ng tulong sa nasabing programa.
Umaasa ang pamahalaan na sa pamamagitan ng mga Malasakit Center ay mas makapagbibigay ito ng pagkakataon sa mga indibidwal na lubhang nangangailangan ng tulong medikal. Sa halip na sumadya pa ang mga tao sa iba’t ibang opisina upang humingi ng tulong ay kailangan lamang ng mga ito na magtungo sa Malasakit Center upang doon idulog ang kanilang pangangailangan.
Hinihikayat ni Senator Bong Go ang mga mamamayan na gamitin ang serbisyo ng Malasakit Center. Bahagi kasi ng layunin ng Malasakit Center ang pababain ang bayarin ng isang indibidwal sa pagpapagamot sa pamamagitan ng pagsagot sa gastusin sa laboratoryo, mga gamot, at mga operasyon.
Sa nasabing programa, ang lahat ng dumudulog dito ay nabibigyan ng patas na atensiyon. Isang bagay na mahalaga at tiyak na napakalaking tulong lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Ang aking personal na paborito sa mga bagay na ginagawa ng programa ay ang pagbibigay nito ng tulong pinansiyal sa mga indibidwal na lumalapit dito at maging sa mga tauhan ng Malasakit Center. Ang nasabing tulong pinansiyal ay mula sa DSWD bilang bahagi ng mga hakbang na isinasagawa ng pamahalaan ukol sa pagtulong sa mga nangangailangan ng tulong pinansyal ngayong panahon ng pandemya.
Patuloy na dumarami ang bilang ng Malasakit Center sa bansa. Sa kasalukuyan ay umabot na ito sa bilang na 100. Sa katunayan, kamakailan lamang ay dumalo ang team ni Senator Go sa paglulunsad ng bagong gusali na may apat na palapag sa loob ng compound ng Southern Philippines Medical Center (SPMC). Ang naturang gusali ay magiging bagong Malasakit Center at iba pang serbisyong medikal.
Sa nasabing gusali ay makikita rin ang opisina ng Lingap para sa Mahirap, PCSO, DSWD, PhilHealth, at ang Botika ng Bayan. Inaasahan ding magbubukas dito ang lokal na tanggapan ng Office of the President, at ang tanggapan ng First Congressional District upang makapagbigay ng suporta sa mga Davaoeño.
Patuloy na umaani ng papuri ang programang ito mula sa iba’t ibang mga sektor. Sa paglulunsad ng Malasakit Center sa Rizal, pinuri ni DOH-Calabarzon Regional Director Eduardo C. Janairo ang pagsusumikap ni Senator Go na maitatag ang mga Malasakit Center sa bansa. Ayon pa kay Janairo ay napakaraming natutulungang Filipino ang nasabing programa. Walang naiiwan at napapabayaan. Lahat ay natutulungan, lalo na ang mga kapos sa kapalaran.
Nais kong hikayatin ang lahat na isapuso ang layunin ng Malasakit Center na tiyakin na walang maiiwan at mapababayaan na sinuman lalo na ngayong panahon ng pandemya. Ito ay naging posible dahil sa pagtutulungan ng iba’t ibang sektor ng pamahalaan. Kapag ang lahat ay nagkakaisa, maganda ang kinalalabasan ng mga programa na ang mga mamamayan ang nakikinabang.
Ang programang Malasakit Center ni Senator Go ay isang malaking tulong sa ating laban sa COVID-19, lalo na ngayong tayo ay naghihintay sa pagpasok ng mga bakuna sa bansa. Magaan sa loob na malaman na mayroon tayong maaasahan sa oras na tayo ay mangailangan ng tulong medikal.
Comments are closed.