NASA huling buwan na tayo ng taong 2020 ngunit ang bilang ng mga kaso ng mga nagpositibo sa virus ay patuloy pa rin sa pagtaas. Tila hindi talaga tuluyang mawawala ang virus na ito hangga’t wala ang bakuna. Sa kasalukuyan, halos nasa 440,000 na ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa bansa. Ang aktibong kaso ay naitalang nasa halos 23,000 noong Linggo, ika-6 ng Disyembre.
Ang magandang balita naman ukol dito ay ang nalalapit na paglabas ng bakuna. Ayon sa pahayag ni Health Secretary Francisco Duque III sa panayam nito sa telebisyon, maaari nang makakuha ng bakuna ang Filipinas bago matapos ang unang bahagi ng taong 2021.
Ayon kay Duque, maraming kailangang isaalang-alang sa pagdating ng bakuna sa bansa. Ito ay ang pagtatala ng iskedyul ng pamamahagi ng bakuna, ang pagpapadala nito sa iba’t ibang bahagi ng bansa, at ang pagbabakuna sa mga nasa priority list. Dagdag pa ni Duque na ang bakunang darating ay dadaan din muna sa pagsusuri ng mga eksperto. Nangako rin siya na isa siya sa mga unang magpapabakuna upang hikayatin ang mga mamamayan na magpabakuna rin.
Noong Nobyembre ay naglabas ng pahayag ang Department of Health (DOH) na tinatayang aabot sa halos Php 3 bilyon ang kailangang ihanda para sa pagdating ng bakuna laban sa COVID-19. Kasama na rito ang kabayaran sa lalagyan nito na kailangang nasa akmang lebel ng temperatura. Ang halagang ito ay sapat na para makakuha ng bakuna para sa 25 milyong katao.
Sa pahayag ng supervising health program officer ng Disease Prevention and Control Bureau ng DOH na si Luzviminda Garcia sa panayam nito sa CNN Philippines, iba-iba ang temperaturang kailangan ng bawat bakuna upang manatli ang bisa ng mga ito. Kaya kasama sa badyet na Php 3 bilyon ang storage equipment para sa bakuna kontra COVID-19 ay dahil wala pa tayong kagamitan na akma sa pangangailangan ng bakuna para sa COVID-19. Upang tugunan ang suliraning ito, nakikipag-usap na, aniya, sila sa mga pribadong kompanya ukol sa pag-convert ng mga pasilidad na mayroon tayo. Ang pagbabago raw na ito ay tinatayang tatagal ng dalawang buwan.
Ayon naman kay Senator Pia Cayetano, ang sponsor ng proposed 2021 budget ng DOH, wala raw nakatabing badyet ang DOH para sa susunod na taon na maaaring ilaan para sa pag-iimbak, transportasyon, at pagsasanay ng mga magtuturok ng bakuna. Kailangan daw ng karagdagang badyet na nagkakahalagang Php 500 milyon.
Nilinaw rin ni Cayetano na mayroong badyet na nakalaan para sa pagbili ng mga bakuna at mayroon ding mga pasilidad kung saan maaaring humiram ng karagdagang pera kung sakaling kulangin ang nasabing badyet.
Maraming kausap na parmasyutika ang ating mga kinatawan sa negosasyon para sa bakuna. Ang ilan sa mga nabanggit ay ang AztraZeneca at Sinopharm. Ayon kay Cayetano, nasa Php 610 kada tao ang presyo ng bakuna na mula sa AztraZeneca. Ito raw ang pinakamura. Mas mataas naman ang presyo ng Sinopharm.
Bukod sa mga nabanggit na parmasyutika, naglabas din ng pahayag ang Pfizer na bagama’t prayoridad nila ang makapagbigay ng bakuna sa US na sapat para sa 100 milyong katao, sinisiguro nitong mayroon itong maipapamahagi para sa Filipinas. Ito ay ayon sa pahayag ni Philippine Ambassador to the United States na si Jose Manuel ‘Babe’ Romualdez. Ayon kay Romualdez, tinatayang nasa Php 240 lamang kada bakuna ang presyo ng sa Pfizer. Ang bakuna ng nasabing parmasyutika ay may antas ng bisa na nasa 90%.
Ayon kay Romualdez, kung wala raw magiging balakid sa iskedyul ng Pfizer, ito ay mabibigyan ng pahintulot ng US Food and Drug Administration (FDA) ngayong taon at maaaring makakuha na rin ng pahintulot mula sa FDA dito sa ating bansa sa unang yugto ng taong 2021. Marami rin aniyang mga negosyanteng Filipino ang nagparating ng intensiyong bumili ng mga bakuna mula sa Pfizer upang maipamahagi ito sa kanilang mga empleyado.
Tinatayang nasa Php 20 bilyon ang badyet na nakalaan para sa pagbili ng bakuna mula sa iba’t ibang parmasyutika. Ang isa pang magandang balita ay hindi raw nanghihingi ng paunang bayad ang Pfizer. Sapat na raw ang purchase order upang makapagtabi ito ng bakuna para sa Filipinas.
Ang ilan pang parmasyutikal na kompanyang kausap ng Filipinas ay ang Moderna, Inc. at ang Novavax, Inc.
Isang mabuting balita na may kasiguraduhan na ang pagkakaroon ng bakuna para sa mga Filipino. Tayo ay masuwerte na magkaroon ng pamahalaang hindi nagpapahuli sa ganitong usapin at may kakayahang makipagnegosasyon para sa bakunang abot-kaya ang halaga para sa mga Filipino.
Ngunit ang pagkakaroon ng kasiguraduhan ukol sa bakuna ay hindi nangangahulugang ligtas na tayong lahat sa COVID-19. Ating alalahaning wala pa sa atin ang nasabing mga bakuna. Kailangan pa rin ang ibayong pag-iingat upang maiwasan ang nasabing virus. Kailangang maging disiplinado sa sarili at sundin ang mga panuntunan ng pamahalaan ukol sa COVID-19. Huwag kakalimutang magsuot ng face mask at face shield kapag lalabas ng bahay. Ugaliin din ang social distancing at palagiang maghugas ng kamay o maglagay ng alcohol.
Kaunting tiis na lamang ang kailangan nating gawin. Pairalin ang disiplina at huwag makampante sa balitang may bakuna na dahil ang bakunang ito ay sa susunod na taon pa darating sa ating bansa. Parating na ang Kapaskuhan at ang bagong taon at bagama’t isang kaugalian na sa ating bansa ang ipagdiwang ito kasama ang mga mahal sa buhay, nagbibigay ng paalala ang pamahalaan na iwasan ang mga malalaking salo-salo. Limitahan ang salo-salo sa mga kasama lamang sa bahay. Sundin natin ang mga paalalang ito upang mas maging abot-kamay ang muling pagbabalik sa normal ng takbo ng ating mga buhay.
Comments are closed.