YES, excited na ang lahat. Holiday na naman. Magkikita-kita at magkaka-bonding na naman ang magkakaibigan at magkakapamilya. Tiyak na walang katapusang kainan, inuman at tawanan ang mamamayani sa bawat tahanan.
Pero sa kabila ng sayang nadarama ng marami, hindi pa rin maiiwasan ng ilan ang mag-alala lalo na’t sandamakmak na putahe na naman ang magpapatakam sa kanilang mga dila.
Sadyang hindi nga naman maiwasan ang mapakain ng marami sa sobrang sasarap ng mga pagkaing inihahanda kapag holiday. Gayunpaman, may mga paraan para maiwasan ang pagkain ng marami at mapanatiling fit ngayong holiday, at iyan ay ang mga sumusunod:
PILIIN ANG MGA KAKAININ
Siguradong samu’t saring pagkain ang nakahanda sa bawat lamesa. At lahat ng iyan ay walang kasing sarap. Lahat ng putaheng makikita sa lamesa, pinaghihirapan at pinag-iisipan. Gayunpaman, para hindi ka maengganyong kumain ng marami, mas maganda kung ang mga pagkaing iyong ihahanda ay healthy. Kung sakali namang may pupuntahan kang salo-salo, maaari mo rin namang kainin ang lahat ng pagkaing gusto mo pero unti-unti lang. Kumbaga, tingnan mo munang mabuti ang lahat ng pagkaing nasa iyong harapan at saka ka mamili ng gusto mo.
TUMAYO-TAYO O GUMALAW-GALAW
Pagkatapos mong kumain, mas maganda rin kung tatayo-tayo ka o gagalaw-galaw para matunaw ang mga kinain mo. Puwedeng tumulong kang magligpit ng inyong pinagkainan o kaya naman ang maghugas ng mga pinggan. Kahit na maliit na bagay lang ang gawin mo, malaking tulong na iyon upang maiwasan ang paglobo mo. Uminom din ng tea pagkatapos kumain.
MAGPAHINGA AT MAG-RELAX
Stressful ang holiday lalo pa’t ang dami nating gusto o kailangang gawin. Ngunit importanteng nakapagpapahinga tayong mabuti at nakapagre-relax upang maiwasan ang pagdaragdag ng timbang.
Iwasan din ang stress lalo pa’t nakapagdudulot ito ng cortisol production na nagiging dahilan ng fat storage.
MAGSAYA AT HUWAG MAG-FOCUS SA PAGKAIN
Para rin mawala ang iyong atensiyon sa pagkain, makabubuti kung lilibangin mo ang iyong sarili. Halimbawa na lang ay gumawa kayo ng mga bagay na nakaaaliw. Mag-isip ka ng mga puwede ninyong pagkaabalahan bukod sa pagkain.
Kapag holiday nga naman, inaabangan ng marami sa atin ang pagkain. Masasarap na pagkaing hindi nga naman natin magawang hindian.
Ngunit kung nakaabang at naka-focus tayo sa pagkain, tiyak na mapapakain tayo ng todo. At kapag napakain din tayo ng todo, paniguradong pagkatapos ng holiday, madaragdagan ang ating timbang at baka hindi na magkasya ang mga damit na binili natin.
Kaya para maiwasan ito, huwag sa pagklain mag-focus kundi sa pag-e-enjoy sa nasabing pagdiriwang. Mag-isip ng mga nakatutuwang gawin. Sumali sa mga palaro o katuwaan ng mga kaibigan o kapamilya.
HINAY-HINAY LANG SA PAG-INOM
Bukod din sa pagkain, hindi rin puwedeng mawala ang iba’t ibang inuming may alcohol. Isa nga naman ito sa nakagawian na nating mga Filipino.
Iwasan o huwag masyadong magpapakalasing. Hindi porke’t maraming alak ay iinom na ng sobra. Maging maingat din sa pagpili ng iinumin. Maraming inumin ang nakatataba.
Kung minsan, sinasabi nating pagkatapos na lang ng holiday tayo magda-diet. Sayang nga naman ang mga nakahandang pagkain. Oo, madali lang naman iyong gawin. Puwedeng-puwede mo rin namang kainin ang lahat ng gusto mo.
Pero tandaan mo, kung gaano kadaling kumain, sobrang hirap naman ang magpapayat.
Isa pa, hindi lang naman pagtaba ang kailangan nating iwasan kundi ang iba’t ibang sakit na kaakibat nito.
Comments are closed.