(Pagpapaputok din sa Bagong Taon) STREET PARTIES IPINAGBAWAL NG METRO MAYORS

Edwin Olivarez

HINDI papayagan ng Metro Manila Council (MMC) ang pagsasagawa ng mga party sa kalsada at iba pang pagtitipon tulad ng pagpapaputok ng firecrackers bilang selebrasyon sa New Year sa gitna ng pandemya na dulot ng COVID-19.

Ito ang sinabi ni Pa­rañaque City Mayor at MMC chairman Edwin L. Olivarez,  kailangan pa rin ang social distancing sa selebrasyon sa New Year habang ilalagay naman sa ayos ang fireworks display.

“Meron po ka­ming bawa’t isang LGU na kanya-kanyang firecracker ordinance, ‘yung firework display, ‘yun po ang ire-regulate po natin at titingnan po na tama ang paglalagyan at wala pong gathering,” ani Olivarez.

Matatandaan na noong 2017 ay ipinagbawal ng gobyerno ang paggamit ng mga malalakas na paputok tulad ng pla-pla at piccolo na nakadidisgrasya na kalimitang nagiging biktima nito ang mga lasing at kabataan na nauuwi sa pagkaputol ng mga daliri o kamay.

Ayon naman sa Department of Health (DOH), magmula ng ipagbawal ang paggamit ng mga malalakas na paputok ay bumaba ang kaso ng mga naitalang biktima nito sa pagsalubong sa Bagong Taon mula 164 noong 2020 kung ikukumpara sa 403 noong 2014 hanggang 2018 at 251 naman noong nakaraang taong 2019.

Nauna nang ipinagbawal din ng Metro Manila mayors ang pagsasagawa ng Christmas parties sa lokal na pamahalaan gayundin sa iba’t-ibang sangay ng gob­yerno sa bansa.

Kasabay nito, nagpahayag naman ang Philippine National Police (PNP) na sisiguruhin nila na hindi makalilimot ang publiko sa pagsunod sa health protocols laban sa COVID-19. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.