PAGPAPARAMI NG MOSQUITO FISH MAPANGANIB

mosquito fish-1

NAGBABALA ang isang biologist sa masamang epekto ng “mosquito fish” o tinatawag na itar na ini­rerekomenda ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Department of Agriculture.

Ito ay kaalinsabay na rin ng paniwalang sagot sa umaakyat na bilang ng kaso ng dengue sa bansa ang naturang “mosquito fish.”

Ayon kay Romeo Babao, isa sa kinikilalang biologist, bagama’t maganda ang layunin sa paggamit ng mosquito fish dahil sa kumakain ito ng larvae ng mga lamok, hindi pa rin maipagkakaila na may negatibong epekto ito hindi man sa tao kundi sa katubigan o sa a­ting karagatan.

Ipinaliwanag ng biologist na ang mosquito fish na may genetic name na Gambusia ay uri ng invasive species o ito ang mga foreign at exotic na mga hayop na aksidenteng napadpad lamang sa teritoryong sakop ng ating bansa.

Madalas aniya itong natatagpuan sa mga bahagi ng Mississippi River, Indiana at Illinois City sa Chicago, USA.

Sinabi nito na ngayong napadpad ito sa ating bansa, nangangamba si Babao sa posibleng masamang idudulot nito sa ating habitat.

Idinagdag pa ng biologist na bukod sa mga larvae ng lamok, kinakain din ng mga mosquito fish ang itlog ng ilang mga isda dahilan para masira ang pagpaparami o produksiyon nito.

Aniya, kung magpapatuloy ang ganitong senaryo ay hindi malayong makaranas ang bansa ng pagkalugi sa ekonomiya sa mga lokal na komunidad at industriya.

Matatandaang noong 2013 nang ipakilala ang mosquito fish bilang biological control agent o natural na pamamaraan para pumuksa ng itlog ng mga lamok.

Nabatid na ito rin ang ipinakikilala ng BFAR bilang pangontra umano sa mga kiti-kiti o mosquito larvae.    BENEDICT ABAYGAR, JR.

0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *