PAGPAPASAILALIM SA PDIC SA BSP LUSOT NA SA SENADO

BSP

INAPRUBAHAN ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na naglalayong ipasailalim ang Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sa layuning “policy at  program coordination.”

Unanimous ang naging boto ng mga senador pabor sa Senate Bill No. 2365, na nag-aamyenda sa charter ng PDIC upang maging attached agency ng  BSP sa halip ng Department of Finance (DOF).

Inisponsoran ni Sen. Sonny Angara, ang SB 2365 ay nagtatakda rin ng pagbabago sa board of directors ng PDIC. Ang BSP Governor ang magiging ex-officio chairperson ng board, sa halip na ang Finance Secretary, na itinalagang vice chairperson.

Sa ilalim ng panukala, kapwa maaaring italaga ng BSP at DOF chiefs ang kanilang alternates — mga opisyal na may ranggong hindi bababa sa BSP deputy governor o DOF assistant secretary — para dumalo o bumoto sa ngalan nila.

Ang Finance secretary o kanyang kinatawan ang mamumuno sa mga pagpupulong sa pagliban ng chairperson o ng kanyang itinalagang alternate.

Itinatakda rin ng panukalang batas ang pagtatayo ng hiwalay na insurance funds, partikular ang tinatawag na ‘takaful’ o insurance arrangements na binibigyang konsiderasyon ang mga katangian ng Islamic banks.

Inilalarawan sa panukalang batas ang ‘takaful’ bilang “mutual guarantee in return for the commitment of donating a specified contribution to the covered entities’ risk fund.”

Pinapayagan din ng SB 2365 ang PDIC board na taasan ang halaga ng maximum deposit insurance coverage sa “an amount indexed to inflation or in consideration of other economic indicators as it may deem appropriate.”

Dahil dito, maaari itong kumuha ng actuarial consultants at iba pang eksperto upang matukoy ang feasibility at advisability ng naturang pagtataas.