Isinagawa ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong 25–28 Hunyo 2024 sa Sityo Manara, Brgy. Celestino Villacin, Cadiz, Negros Occidental ang oryentasyon at pagsasanay sa programang Bahay-Wika at Master-Apprentice Language Learning Program. Dinaluhan ito ng mga guyas (elder), insi (gurong babae), baaju (lalaki na katuwang na guro), mga lider, at ilang mga miyembro ng komunidad.
Bahagi ang gawaing ito ng paghahanda para sa pagsisimula ng programang Bahay-Wika at Master-Apprentice Language Learning Program sa komunidad ng Ata sa Sityo Manara para sa pagpapasigla ng kanilang katutubong wikang Inata. Isa ang Inata sa mga wika sa bansa na nanganganib nang mawala dahil hindi na ito naituturo ng mga elder sa nakababatang henerasyon at wikang Hiligaynon na rin ang madalas na ginagamit sa komunidad.
Pangunahing inilahad sa kanila ang kanilang gampanin bilang mga tagapagturo ng kanilang katutubong wika at oryentasyon hinggil sa kalikasan at gawi ng mga batang tuturuan sa Bahay-Wika. Ipinaliwanag din ang konsepto ng Imersiyon sa Wika (Language Immersion) at ang kahalagahan nito upang mapasigla ang kanilang katutubong wika.
Hiningi naman ang pananaw at pagsang-ayon ng mga guyas sa mga paksa na ituturo sa mga bata at ang iskedyul ng programa. Nagbigay din ng ilang tips hinggil sa paraan ng pagtuturo at pagkatuto ng wika (teaching & learning a language) na maaaring magamit ng mga guyas at insi na mga tagapagturo ng Inata.
Nagsagawa ng pakitang-turo ang mga guyas at insi. Nagkuwento ang mga guyas at kumanta ng mga awiting pambata sa wikang Inata, at tinuruan ang mga bata kung paano magpapaalam sa oras ng pag-uwi sa gamit ang Inata.
Bahagi rin ng programa sa pagpapasigla ng Inata ang pagpaplano sa sustainability ng programa upang matiyak na maipagpapatuloy ng mga batang Ata ang pagkatuto ng wikang Inata mula sa Bahay-Wika hanggang sa Basic Education, kaya nakipagpulong din ang KWF sa tanggapan ng City Social Welfare and Development at Kagawaran ng Edukasyon (DepEd)-Dibisyon ng Cadiz noong 24 Hunyo 2024.
Naka-integrate sa Day Care Program sa Sityo Manara ang programang Bahay-Wika. Sa 5 Agosto 2024 ang tentatibong petsa ng pagsisimula ng klase sa Bahay-Wika at sesyon sa Master-Apprentice Language Learning Program.