(Pagpapatrolya sa WPS patuloy) PCG ‘DI NADUDUWAG SA WATER CANNON ATTACK NG CHINA

INIHAYAG ng isang opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) na ‘unfair’ na tawagin ng ilang Pilipino ang mga tauhan nitong ‘duwag.’

Ito ay sa gitna ng hindi magandang komento sa social media ukol sa PCG dahil sa hindi pagganti sa water cannon attacks ng Chinese Coast Guard (CCG).

Nitong Abril 29, nagtamo ng pinsala ang PCG patrol vessel dahil sa panibagong harassment ng barko ng CCG na gumamit ng malakas na hey stream water cannons sa bisinidad ng Bajo De Masinloc.

“I think it is unfair for the Philippine Coast Guard na i-label na duwag kayo, ayaw nyong gumamit ng water cannon,” ayon kay Commodore Jay Tarriela, PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS).

Taliwas sa komento ng ilang netizens na tumatawag sa mga tauhan ng PCG bilang duwag, sinabi niyang matapang ang mga miyembro ng PCG na ipahayag ang tunay na nangyayari sa West Philippine Sea.

Binigyang-diin ni Tarriela na sa kabila ng panganib at hamon mula sa CCG, matapang na ipinagpatuloy ng PCG personnel ang kanilang pagpapatrolya sa West Philippine Sea.

Samantala, nanawagan si Tarriela sa mga Pilipino na tumigil na sa pagsasabing duwag ang miyembro ng PCG.

Ayon sa PCG official, kinikilala niya ang pagnanais na gumanti ngunit binigyang-diin ang pangangailangan ng pagpapababa ng tensyon upang pigilan ang China sa agresyon nito.

“We should not be the one to be the reason na sasabihin ng China, ‘O kita mo na naman o, talagang itong mga to sila mismo ang nag-provoke, nag-water cannon din.’ What will come next? They are going to elevate the tension once again, and they are going to have an excuse na magdala na naman ng maraming coast guard vessel or even the Navy warships,” paliwanag pa ni Tarriela.

Noong Abril 25, sinabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ang dagdag na presensya ng gobyerno ng Pilipinas sa West Philippine Sea ay nagbigay ng kumpiyansa sa mga mangingisda na mangisda sa pinagtatalunang katubigan.

Ayon kay BFAR spokesperson Nazario Briguera, sa kasalukuyan ay mayroong mahigit 300,000 Pilipinong mangingisda sa WPS.

Sa gitna ng tensyon sa WPS, sinabi ni Briguera na ang iba’t ibang government agencies tulad ng PCG ay magtutulungan upang masiguro ang kaligtasan at proteksyon ng mga mangingisdang Pilipino.
EVELYN GARCIA