Pagpapatuloy ng kontribusyon ng isang senior citizen; paraan ng paggamit ng 156 sessions ng hemodialysis.

“Magandang araw po! 61 years old na ko pero nagtatrabaho pa rin. Kailangan pa rin ba akong kaltasan ng PhilHealth contribution?”
             – Rhayne ng Lucena, Quezon

Kumusta ka, Rhayne? Hanga ang PhilHealth sa mga mahal nating senior citizens na tuloy pa rin sa pagkayod sa kabila ng kanilang edad. Kaya naman ang inyong PhilHealth ay laging nakasuporta sa inyong kalusugan!

Para sa iyong katanungan: Oo, kakaltasan pa rin ng contribution ang isang miyembrong gainfully employed kahit na siya ay senior ci­tizen o lifetime member na. Ito ay nakasaad sa batas, sa Sec. 30 ng RA 7875, na na-amyendahan. Ang kontribusyon ay paghahatian ng empleyado at kaniyang employer. Halimbawa, kung ang kaniyang buwanang kontribusyon ay P400, P200 dito ay sasagutin ng employer at ang natitirang P200 ay kakaltasin sa suweldo ng empleyado o miyembro. Itinakda ng batas na lahat ng empleyado ay kailangang maghulog sa Programa base sa buwanang kinikita.

Batid naming marami nang pangangaila­ngang pangkalusugan ang mga senior citizen, kaya naman hinihikayat namin kayong magparehistro sa PhilHealth Konsultasyong Sulit at Tama – o Konsulta. Sagot dito ang inyong check-up at laboratoryo tulad ng fasting blood sugar, complete blood count, at marami pang iba. Pati mga gamot para sa diabetes, high blood, at iba pa ay makukuha rin ng libre sa accredited na Konsulta provider kung saan nagpareshitro ang miyembro.

Magpunta lang sa pinakamalapit na ­tanggapan ng PhilHealth para magparehistro sa Konsulta. Pwede ring online! Gumawa ng account o mag-login sa PhilHealth Member Portal, https://memberinquiry.philhealth.gov.ph/member.

————————————————————————

“Paano ma-enroll sa PhilHealth Dialysis Database ang aking ama? Kailangan po niyang mag-dialysis tatlong beses sa isang linggo.”
        – Irene Velasquez ng Malabon City

Magandang balita, Irene! Simula ngayong taon, 156 sessions na ang sagot ng PhilHealth sa hemodialysis ng mga pasyenteng mayroong Chronic Kidney Disease Stage 5 (CKD5). Pinalawig ito mula sa dating 90 sessions upang mapawi ang alalahanin ng mga mi­yembrong kailangang mag-dialysis nang hanggang tatlong beses isang linggo. Dahil dito, buong taon na ang PhilHealth coverage nila na aabot sa P 405,600 sa P2,600 kada session.

Para magamit ang benepisyong ito, kaila­ngang mairehistro ang pasyente sa PhilHealth Dialysis Database o PDD. Makipag-ugnayan po kayo sa accredited dialysis center kung saan magda-dialysis ang inyong ama dahil sila ang tutulong sa kanilang registration sa PDD.

Mahahalagang paalala:
• Ang benepisyong ito ay para sa CKD5 patients lamang;

• Magagamit ito sa mga PhilHealth-­accredited na pasilidad;

• Kung naka-confine ang pasyente, hiwalay na magagamit ang benepisyo para sa dia­lysis – hindi ito ibabawas sa 45-day benefit limit sa isang taon;

• Magkahiwalay ang 156 na session cove­rage ng miyembro at kaniyang mga depen­dents – ibig sabihin, hindi nila paghahatian ang 156 sessions dahil sila ay may sariling 156 session-coverage.

Irene, dalangin namin ang paggaling ng iyong ama. Sana ay nakatulong kami sa inyo.

BALITANG REHIYON

Ang Local Health Insurance Office (LHIO) Eastern Pangasinan ay nagsagawa ng orientation tungkol sa Universal Health Care (UHC) at KONSULTA sa mga teaching at non-tea­ching personnel ng DepEd Division ng Pangasinan II-Laoac District noong Agosto 18, 2023.

Para sa inyong mga katanungan, kumento, at suhestiyon, mag-text sa aming Callback Channel: 0917-8987442. Text PHICcallback <space> Mobile o Metro Manila Landline number <space> detalye ng concern.

Pwede ring magpadala ng e-mail sa [email protected]. I-follow kami sa Facebook (PhilHealthOfficial) at Twitter (@teamphilhealth) para sa updates tungkol sa NHIP. Panoorin ang mga videos namin sa YouTube at mag-subscribe sa aming Channel (youtube.com/@teamphilhealth).