NAGSAGAWA ng inspeksyon si Senador Christopher “Bong” Go sa pagtatayo ng dalawang palapag na pampublikong pamilihan sa Don Salvador Benedicto sa Negros Occidental noong Huwebes, Pebrero 9, kung saan pinangako niyang ipagpatuloy ang pagsusulong ng public infrastructure development sa kanayunan.
Pinondohan ang pagtatayo ng public market sa suporta ni Go bilang Vice Chair ng Senate Committee on Finance at inaasahang matatapos sa Abril ngayong taon.
“Rest assured, kung ano po ang makakabuti para sa mga taga-Negros, kung ano ang makakatulong sa pag-unlad ng inyong mga probinsya dito ay tutulong po ako,” saad ni Go matapos ang inspeksyon.
Nangako rin si Go na uunahin ang kapakanan ng mga mahihirap na Pilipino sa pagsusulong ng mga hakbang sa Senado bilang mambabatas.
“What is right, what is proper, and kung ano ang ikakaunlad lalung-lalo na po para sa mga mahihirap nating kababayan. Sila po ang dapat makinabang kung anuman pong batas na kailangan nating ipasa sa Kongreso,” dagdag nito.
Samantala, binanggit ni Go kung paano nahirapan ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan ng bansa sa panahon ng pandaigdigang krisis sa kalusugan. Pagkatapos ay binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagpapabuti ng access sa mga pampublikong serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan upang matiyak na mas maraming mahihirap na Pilipino ang makakatanggap ng medikal na paggamot na kailangan nila.
Dahil dito, isinusulong ng senador ang pagtatayo ng mga Super Health Center na nag-aalok ng health services kasama ang database management, out-patient, birthing, isolation, isolation, diagnostic (laboratory: x-ray, ultrasound), pharmacy and ambulatory surgical unit. Maging ang eye, ear, nose, and throat (EENT) service, oncology centers, physical therapy at rehabilitation center at telemedicine.
Hiling din niya na ang Super Health Centers ay gamitin bilang satellite vaccination sites sa mga nakatira sa malayo.
“Itu-turn over na po ito sa LGUs (local government units), pwede nilang lagyan ng dialysis center at mas iigting pa ang ating vaccination drive kung pwede nang bakunahan doon hindi lang po laban sa COVID pati mga bakuna para sa bata,” dagdag nito.
“Kasi napapansin ko, ayaw magpabakuna ng iba sa malalayong lugar dahil iba-biyahe pa sa malalayong munisipyo.
Ngayon po, kung nandiyan na po ‘yung Super Health Center sa kanilang munisipyo, pwede na pong bakunahan sa komunidad nila mismo,” dagdag nito.