MAY mga programa ang pamahalaan upang payabungin ang sining at kultura ng Pilipinas. Ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ay nangunguna sa gawaing ito. At upang suportahan ang mga indibidwal, grupo, organisasyon, at institusyon sa kani-kanilang mga proyektong may kaugnayan sa sining at kultura, nanawagan ang NCCA na magpadala ang mga kinauukulan ng kanilang mga project proposal para sa 2023 Competitive Grants Program ng NCCA.
Ang mga grants na ito ay inihahandog sa mga manlilikha at mga grupong nag-aambag sa pamanang sining at kultura ng bansa. Isinasagawa rin ito upang matulungan ang mga manlilikha na lawakan pa at pagyamanin ang kanilang mga gawain. Ang mga project proposal ay dadaan sa isang masusing proseso ng pagsusuri. Mangyaring isumite po lamang ang inyong proposal bago matapos ang buwan ng Agosto 2022. Para sa mga interesado, matatagpuan ang kumpletong detalye sa website ng NCCA (ncca.gov.ph).
Hindi ko rin maaaring palagpasin ang pagkakataon na ipagdiwang ang mga bagong National Artist ng bansa para sa taong 2022. Nais kong samahan ang buong sambayanan sa pagbati sa mga nabubuhay na artistang bayan at sa pagalaala sa mga pumanaw na.
Ang walong bagong National Artist ng Pilipinas ay sina Nora Aunor, Marilou Diaz Abaya, at Ricky Lee para sa Film and Broadcast Arts; Tony Mabesa para sa Teatro; Agnes Locsin para sa Sayaw; Salvacion Lim-Higgins para sa Fashion; Gemino Abad para sa Panitikan; at Fides Cuyugan-Asensio para sa Musika. Isang mainit na pagbati sa lahat, sampu ng kanilang mga kaanak!