PAGPARUSA SA NUISANCE CANDIDATES BINATIKOS

Comelec Spokesperson James Jimenez

NANINIWALA  ang isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) na posibleng lumikha lamang ng ‘chilling effect’ at maging hadlang sa mga taong nais magsumite ng kandidatura sa halalan ang isang panukalang inihain sa Senado, na ang layunin ay maparusahan ang ‘nuisance candidates’.

Sa ilalim ng Senate Bill 911, na inihain ni Senador Sherwin Gatcha­lian, pinaaamiyendahan ang Sections 69, 261, at 269 ng Omnibus Election Code, at ipe-penalize ang mga naghahain lamang ng kandidatura upang magkaroon ng ilang minutong kasikatan, makita ang sarili nila sa telebisyon at wala namang tunay na intensiyon na kumandidato.

Gayunman, sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez na mahirap i-operationalize ito dahil mahirap desisyunan kung nuisance candidate o hindi ang isang kandidato.

Paliwanag pa niya, kahit may grounds ang Comelec sa pagdedeklara ng isang panggulong kandidato, ay hindi naman aniya mape-predict ito sa lahat ng pagkakataon.

“Kung minsan ‘yung akala mong talagang sure na sure, biglang nuisance,” ani Jimenez.

Ayon kay Jimenez, hindi pa naman niya nakikita ang panukala ng senador, ngunit tiniyak na pag-aaralan nila ito.

Noong 2016, nakatanggap ang Comelec ng 172 COCs sa pagka-senador at 50 lamang sa mga ito ang pinayagang kumandidato sa eleksiyon, habang ang iba pa ay idineklarang nuisance candidates.

Sa katatapos naman na filing ng COC, mula Oktubre 11 hanggang 17, 2018, umabot sa kabuuang 152 ang nagsumite ng kandidatura para sa pagka-senador, habang 185 naman ang partylist groups.

Ang pinal na listahan ng mga papayagang kumandidato para sa May 13, 2019 National and Local Elections ay nakatakdang ilabas ng Comelec sa Disyembre.

Samantala, tutol naman si Comelec Commissioner Rowena Guanzon, sa naturang panukala ni Gatchalian.

Ayon kay Guanzon, hindi siya pabor sa natu­rang panukalang pagpaparusa sa mga nuisance candidates dahil maituturing itong discriminatory.

Magreresulta rin aniya ito upang ma-discourage ang mga underprivileged na aspirants na tumakbo sa iba’t ibang puwesto sa gob­yerno.   ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.