PAGPASA NG DEPARTMENT OF DISASTER RESILIENCE ACT MULING IPINANAWAGAN SA SENADO

MULING  nanawagan si Albay Rep. Joey Sarte Salceda sa Senado na ipasa agad nito ang Department of Disaster Resilience (DRR) Act, matapos ang mapaminsalang pananalasa ni Typhoon Odette sa Central Visayas at Northern Mindanao sa mga lugar na hindi sanay sa malalakas na bagyo.

Pinuna ni Salceda, House Ways and Means Committee chairman at may-akda ng DDR Act, na gaya ng ginawa ni Odette, wala nang lugar sa bansa ang masasabing ligtas sa malalakas na bagyo dahil nagbago na nga ang klima “kaya dapat na ring baguhin ang pamamaraan ng pagtugon sa mapaminsalang mga kaganapan.”

Naipasa na ng Kamara ang DDR Act (HB 5989) noong Setyembre 21, 2020 kung saan umani ito ng napakataas na 241 boto. Itinuturing itong pinakamahusay na balangkas ng bansa laban sa natural na mga kalamidad, kasama na ang pandemya. Paulit-ulit na sinertipikahan na rin ito ni Pangulong Duterte na “sadyang kailangan.”

Naghihintay ngayon ang DDR Act ng aksiyon ng Senado. Ipinasa na rin ng Kamara ang ganito ring bill ni Salceda noong 2017 ngunit nabinbin iyon sa Senado at nilampasan ng 2018 election.

Ayon kay Salceda, ang DDR ang pinakamahusay na tugon sa matagal nang hinahanap na solusyon ng bansa sa mga kalamidad at hirap na dulot ng mga ito. “Batay sa daang tinahak ni Odette, wala ng lugar sa Pilipinas ang masasabing ligtas sa mga kalamidad na dulot ng ‘climate change,’ kaya sadyang kailangan na ring baguhin natin ang sistema ng pagtugon sa kanila,” dagdag niya.

Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Center nitong umaga ng Sabado, 12 katao na ang patay, 41,400 ang nabiktima ng bagyo, mga 338,664 ang nanatili pa sa mga evacuation center at mga P24 billion na ang mga pinsalang dulot ni Odette.

“Hindi gaya ng Bikol at Eastern Visayas, hindi sanay sa malalakas na bagyo ang Northern Mindanao at Central Visayas. Dahil dito, hindi rin sila sanay sa kultura ng kahandaan sa mga kalamidad, gaya ng mga Bikolano at Waray,” paliwanag ng mambabatas.

Ipinaliwanag ni Salceda na bagama’t nagbibigay suporta at tulong ang pambansang pamahalaan, “ang mga kalamidad ay sadyang lokal ngunit wala pa sa kamay ng mga pamahalaang lokal ang mahuhusay na estratehiya laban sa mga kalamidad na tanging isang pambansang ahensiya lamang makapagpapaganap.”

Ayon kay Salceda ang DDR ang magiging “pangunahing ahensiyang responsable, mananagot at mamumuno sa pag-organisa at pangangasiwa sa mga hakbang upang mabawasan ang banta ng panganib ng mga kalamidad, pagtugon sa mga ito, at pagbangon at pagsulong paabante mula sa pagkalalugmok sa kanila.

Nauna na siyang nagpahayag ng tiwala na mapapabilis ang pagpasa ng Senado sa DDR Act dahil inakda at dinagdagan pa ni Sen. Christopher ‘Bong’ Go ang bersiyon nito sa mataas na kapulungan.

Maraming grupo, sektor at institutusiyon ang sumusuporta sa DDR Act, kasama ang University of the Philippines Resilience Institute (UPRI), Local Climate Change Adaptation for Development (LCCAD) at Greenpeace Philippines.