IKINATUWA ng iba’t ibang grupo, kabilang ang mga magsasaka ng tabako, ang pagpasa sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Law, na tinawag nilang mahalagang hakbang para pangalagaan ang kanilang kabuhayan mula sa pagpupuslit at ipinagbabawal na kalakalan.
“Lubos kaming nagpapasalamat kay Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at sa kanyang administrasyon sa walang sawang pagsulong na maisabatas ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Law. Sa pagpapatupad nito, nabibigyan kami ng pag-asa na mayroong sapat na proteksiyon ang pagsasaka ng tabako laban sa pagpasok ng ilegal na produkto dito sa bansa,” pahayag ni Saturnino Distor, pangulo ng Philippine Tobacco Growers Association (PTGA).
Pinasalamatan ni Anton Israel, convenor ng EKIS sa Smuggling, ang Pangulo at mga mambabatas na nagsumikap na maipasa ang batas. “Nakita namin ang nakapipinsalang epekto ng smuggling partikular ang paglaganap ng mga peke at ilegal na produkto ng nikotina, na hindi lamang ninanakawan ng bilyun-bilyong piso ang kita ng ating gobyerno, kundi binibiktima rin ang mga lehitimong negosyo at mga mamimili,” sabi ni Israel.
“Sa bagong batas, mas marami tayong dahilan para maniwala na ang paglaban sa puslit na sigarilyo at e-cigarette ay magtatagumpay,” aniya.
Ikinatuwa rin ni Chris Nelson, executive director ng British Chamber of Commerce in the Philippines, ang paglagda sa batas.
Aniya, inaasahan ng BCCP na magkakaroon ng makabuluhang paglago sa sektor ng agrikultura para sa mga lokal na prodyuser at mga lehitimong importer.
Nilagdaan ni Pangulong Marcos noong Setyembre 26 ang Republic Act 12022 na nagtatakda ng mas matinding parusa laban sa smuggling, hoarding, profiteering at pagbuo ng mga kartel para sa mga produktong pang-agrikultura at pangisdaan, kabilang ang tabako.
Sinabi ni Pangulong Marcos na ang smuggling, hoarding, profiteering at cartel operations na kinasasangkutan ng mga produktong pang-agrikultura at pangisdaan ay mauuri na ngayon bilang economic sabotage, na maparurusahan ng habambuhay na pagkakakulong at multa hanggang limang beses ng halaga ng mga kalakal na sangkot.
Aniya, hindi lamang ang mastermind ang maparurusahan, kundi maging ang mga financier, broker, empleyado at tagapaghatid ng mga puslit na produkto.
“Ang batas na ito ay humuhubog ng mas matatag na sektor ng agrikultura na nagtatanggol sa ating mga magsasaka at sa ating mga mamimili,” dagdag ng Pangulo.
Sinabi ng PTGA, na binubuo ng 50,000 magsasaka ng tabako sa buong bansa, na ang tagumpay na ito ay isang kritikal na hakbang tungo sa pagtiyak ng pagpapanatili ng sektor sa gitna ng lumalaking problema ng puslit na tabako sa bansa.
“Dagok sa ating mga magsasaka ng tabako ang patuloy na pagdagsa ng murang ilegal na sigarilyo, dahil na rin sa mataas na presyo ng legal na sigarilyo gawa ng taon-taon na pagtaas ng buwis. Kami ay umaasang ang hakbang ng gobyerno laban sa mga smugglers at iligal na traders ay patuloy na makapag-angat sa estado ng tabakong Pilipino at makaginhawa na rin sating mga magsasaka at kanilang mga pamilya,” wika ni Distor.
Sa ilalim ng bagong batas, ang pagpupuslit ng mga pananim ng tabako at sigarilyo na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P3 milyon ay inuri bilang economic sabotage na isang krimen na walang piyansa.
Ang bagong batas ay nagsusog sa RA 10845 o ang orihinal na Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.
Sinabi ni Senate President Francis Escudero na ang bagong batas ay nagbibigay ng malakas na mensahe na gagamitin ng gobyerno ang lahat ng resources nito para panagutin ang mga indibidwal at grupo na nakikisali sa smuggling, hoarding, profiteering at iba pang mapagsamantalang gawain sa sektor ng agrikultura.
Ayon sa National Tobacco Administration, mayroong 2.2 milyong Pilipino na umaasa sa industriya ng tabako, kabilang ang higit sa 430,000 magsasaka, manggagawa sa bukid at mga miyembro ng kanilang pamilya.
VICKY CERVALES