PAGPASA SA BBL I-PRAYORIDAD NG KONGRESO

HINILING ng mga opisyal ng Bangsamoro Transition Commission (BTC) sa mga mambabatas sa Kongreso na gawing prayoridad ang pagpasa ng batas na may kaugnayan sa Bangsamoro Basic Law (BBL) para sa tuluyang katahimikan sa Mindanao.

Ayon kay na BTC chairman at Moro Islamic Liberation Front (MILF) Vice Chair  Ghazali Jaafar, halos 50 taon na ang kaguluhan at napabayaan ang Mindanao.

“Sana pagbigyan naman kami ng mga mambabatas na maayos namin ang aming sariling lugar, sapat na ang maraming taon ang nakalipas na aming paghihintay kaya panahon na ngayon na pagbigyan kami,” ani Jaafar.

Kasabay nito, tiniyak ni Jaafar sa mga mambabatas at  kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ‘pag naayos na ang BBL at nagkaroon na ng plebi­sito ay kanilang aayusin ang pagpapatakbo sa Min­danao na masasakop  ng BBL.

Tiniyak din nila na magkakaroon ng maraming negosyo sa Mindanao dahil hihikayatin nila ang mga mamumuhunan na magtayo ng kani-kanilang mga pabrika sa lugar.

Ayon pa kay Jaafar, napakaraming likas na yaman (mineral) sa Mindanao na maaaring minahin tulad ng bakal at maraming pang iba.

Sinabi pa ni Jaafar na ayaw nila sa mga negos­yante na kukunin lamang ang raw materials sa Mindanao at dadalhin sa ibang bansa at doon ipoproseso at pagbalik sa Pilipinas ng produkto ay sob­rang taas na ang presyo.

Naniniwala si Jaafar at kanyang mga commissioner sa BTC na kapag naisaayos na ang BBL at nagkaroon ng maraming negosyo sa Min­danao ay tuluyan nang tatahimik ang Mindanao.

Binanggit pa ni Jaafar na mas maraming tao  sa Min­danao partikular ang mga Muslim ay sang-ayon sa pagpasa ng BBL.

Subalit, nilinaw ni Jaafar na hindi lamang para sa mga Muslim kundi para sa lahat partikular sa katahimikan sa buong bansa.

Aniya, sa katunayan ay marami sa mga kasama nila sa BTC ay pawang mga Kristiyano at nagkapag-asawa ng Muslim tulad kay Dr. Susana Salvador Anayatin.

“Ibig sabihin niyan ang BBL ay hindi lamang para sa mga Muslim partikular sa Mindanao kundi maging sa mga Kristiyano,” dagdag pa ni Jaafar.

Inihalimbawa pa ni Jaafar ang kanilang pagliligtas sa mga Kristiyanong naipit noong nakaraan taon sa naganap na palitan ng putok sa pagitan ng Maute ISIS at mga sundalo ng Gobyerno sa Marawi City.

Sinabi ni Jaafar na tinulungan nila ang isang grupo ng mga Kristiyano na nagtatago sa gusali habang nagkakaroon ng putukan ang magkabilang panig.

Ayon pa kay Jaafar na maging ang iligal na droga at kurapsyon sa mga luagr na masasakop ng BBL ay mawawala dahil bawal ito sa “Quran.”  JOEL  AMONGO               

 

Comments are closed.