UMAASA si Senador Christopher ‘Bong Go’ na magiging mas mabilis ang pagtalakay para sa pagpasa ng panukalang Department of Overseas Filipino Worker (DOFW) kapag bumalik na sa sesyon ang Senado.
Ito ang inihayag ni Go makaraang kumpirmahin na nagkausap na sila ni Senate Committee on Labor Chairman Joel Villanueva kaugnay sa isinusulong nito na pagkakaroon ng DOFW na tututok sa kapakanan ng mga manggagawang Pinoy sa ibang bansa.
Ipinaliwanag ni Go, maraming OFWs ang naapektuhan ng hindi inaasahang COVID-19 pandemic at marami sa mga ito ang gusto nang umuwi kaya naman litong-lito na rin ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pag-aasikaso at pagbibigay ng tulong sa mga ito.
Binigyang diin pa ng senador, hindi dapat nakakawawa ang mga itinuturing na Bagong Bayaning Pilipino kaya’t dapat ay mayroong departamento na nakatutok lamang sa kapakanan ng mga ito.
Sinisiguro rin ni Go na hindi mag-overlap ang magiging tungkulin ng DOFW sa iba pang ahensiya gaya ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Labor and Employment (DOLE).
Nauna nang inihayag ng senador na mas magandang alam na ng mga OFW kung saan sila lalapit oras na magkaproblema sa kanilang bansang pinagtatrabahuan kaysa sa magpapasa-pasa pa dahil sa kalituhan. VICKY CERVALES
Comments are closed.