IBINALIK ng bagong liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pagsalang sa sponsorship and debates ang House Bill No. 7727 o ang panukalang ₱4.5 trilyon na pambansang badget para sa susunod na taon.
Sa isinagawang special session kahapon, nagmosyon ang tumayong majority leader na irekonsidera nila ang pagkakaapruba sa ikalawang pagbasa ng proposed 2021 national budget, na sinang-ayunan naman ng nakararami.
Dahil dito, pinawalang-bisa ng Kamara ang ginawang pagpasa sa second reading ng General Appropriarions Bill (GAB), na pinangasiwaan ng nakaraang House leadership.
Kasunod nito ay agad na isinalang sa plenary deliberation ang panukalang 2021 budget ng Civil Service Commission (CSC) at iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Samantala, bago muling binuksan ang paghimay sa plenaryo ng paglalaan ng badget para sa susunod na taon ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ay inihayag ang pagtatalaga kay presidential son at Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte bilang bagong chairman ng House Committee on Accounts.
Pinalitan ng Davao City solon si Cavite 8th Dist. Rep. Abraham Tolentino, kilalang malapit kay resigned Speaker Alan Peter Cayetano, sa chairmanship ng nasabing komite na siyang namamahala sa pondo ng Kamara. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.