(Pagpaslang sa retired police general) PANIBAGONG HAMON SA PNP

Marlous Chan

NGARAG na naman ang Philippine National Police (PNP) bunsod ng pagpaslang sa dati nilang kabaro na heneral sa Pangasinan.

Pinasisiyasat mabuti ang pagpaslang kay Ret. Brig. Gen. Marlous Chan, dating hepe ng Pangasinan Police sa Calasiao, Pangasinan.

Sa ulat ng Calasiao Police, dead on arrival sa pagamutan si Chan.

Lumitaw sa pagsisiyasat na lulan ng isang pick-up truck si Chan kasama ang driver nito nang isagawa ng dalawang riding in tandem suspects ang pamamaril.

Sinasabing dinikitan ng apat na hindi pa nakikilalang suspek sakay ng dalawang motorsiklo ang sasakyan ng biktima  at saka malapitang pinagbabaril ito pagsapit sa bahagi ng Brgy. Nalsiyaan.

Agad na tumakas ang mga suspek sa direksiyon ng Brgy. Banaoang.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa leeg, dibdib at iba pang bahagi ng katawan si Chan.

Naitakbo pa sa Dagupan Doctors Villaflor Memorial Hospital ngunit idineklarang dead-on-arrival.

Ligtas naman ang driver ni Chan na si Juanito Lozada Jr. sa insidente. VERLIN RUIZ