PAGPASOK NG BUS, JEEP SA METRO BAWAL NA

BUS-JEEP-2

KASUNOD ng samu’t saring aberyang nakita sa mga entry at exit point ng Metro Manila na nagdulot ng mahabang pila ng mga motorista, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na hindi muna papapasukin sa Metro Manila ang mga provincial bus at jeepney.

Ito ay kaugnay sa ipinaiiral na community quarantine sa Metro Manila.

Ayon kay Transportation Undersecretary Artemio Tuazon Jr., lahat ng mga bus at jeep na magmumula sa probinsiya ay mananatili lamang sa labas ng Metro Manila.

Sinabi ng opisyal na kailangang lumipat ang mga pasahero sa naghihintay na mga city bus at jeep na papasok sa Kalakhang Maynila.

Aniya, ang mga nanggaling sa Northern Luzon ay hanggang Bocaue, Bulacan na lamang habang ang mga nagmula sa Southern Luzon ay hanggang sa Sta. Rosa, Laguna na lamang.

Idinagdag pa ni Tuazon na dadaan lahat ang mga pasahero sa checkpoints kung saan susuriin ang kanilang temperatura upang masigurong wala silang anumang sintomas ng nakahahawang coronavirus disease 2019 (COVID-19) na patuloy na kumakalat sa bansa. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.