INATASAN ni Agriculture Secretary Emmanuel “Manny” Piñol kamakailan ang quarantine officers ng Bureau of Animal Industry (BAI) na lalong maghigpit sa pagpapapasok ng mga produktong karne, lalo na ng baboy mula sa Hong Kong, kasunod ng naitalang outbreak ng African Swine Fever (ASF) sa teritoryo.
Sa kanyang order, binalaan ni Piñol ang mga parating na pasahero na “bringing in meat and other agricultural products without the necessary permit, especially those coming from ASF-affected countries,” ay puwedeng pagmultahin ng hanggang PHP200,000.
Nauna nang ini-report ng Hong Kong na inihiwalay na nila ang ilang 6,000 baboy matapos ang kauna-unahang kaso ng ASF na natagpuan sa isang slaughterhouse na malapit sa border ng mainland China.
Ang China ay ang pinakamalaking pork producer sa mundo na tinatayang may 433 million baboy, ayon sa US Department of Agriculture (USDA).
Sinabi ng Beijing’s Agriculture Ministry na ang pagkalugi ng kalahati ng baboy sa bansa ay magtutulak ng pagtataas ng presyo nito ng halos 70 per-cent.
Tinatayang may 200,000 tons ng baboy ang China na nakareserba pero ito ay maliit na bahagi lamang ng supply ng kailangan para matugunan ang demand sa pinakamalaking merkado ng baboy sa mundo, ayon pa sa report.
Dahil dito, sinabi ni Piñol na tinitingnan ng gobyerno ang pag-e-export ng baboy sa China “dala ng pangyayari sa kanilang hog industry dahil sa ASF issue.”
Nakatakdang magtungo ang DA chief sa susunod na buwan para makipag-usap sa kanyang Chinese counterpart sa posibilidad ng pag-e-export ng baboy at iba pang meat products doon. PNA
Comments are closed.