PAGPASOK NG ISIS SA TUGUEGARAO CITY, ‘DI TOTOO – PNP

ISIS

PINABULAANAN ng pamunuan ng Police Regional Office  (PRO2)  ang umano’y pagpasok ng grupong ISIS (international terrorist)  sa Region 2 na sakop ng Tuguegarao City,  Cagayan.

Ayon na kay P/Lt Col. Chivalier Iringan, tagapagsalita ng PRO2, nagsagawa ng beripikasyon ang kanilang mga intelligence operatives sa napaulat na pagpasok ng mga ISIS sa nasabing lungsod.

Aniya, sa kabila ng nalaman nila na gawa-gawa lamang ito ng iba’t ibang grupo ay hindi nila ito binabalewala dahil nagdudulot ito ng pagkabahala ng mga mamamayan at hindi sila nagpapakampante at mas lalo nilang paiigtingin ang kanilang intelligence monitoring at police visibility gaya ng pagsasagawa ng checkpoint at pagpapatrolya upang hindi magkaroon ng pagkakataon ang mga masasamang loob na mag­hasik ng anumang karahasan.

Sa kabilang dako, hinigpitan ng mga kasapi ng 7th Infantry Division Phil. Army at mga pulis ang seguridad sa 36 na bayan sa walong lalawigan na nagdeklara ng persona non grata sa Communist Party of the Phils. New People’s Army (CPP-NPA).

Inihayag ni Majoy Amado Gutierrez, Division Public Affairs Officer ng 7th Infantry Division na ang kanilang sakop ay ang Region 3, Region 1, lalawigan ng Abra, at pitong bayan ng Nueva Vizcaya at dalawang bayan ng Mountain Province.

Kabilang aniya ang Salapadan, Abra kung saan sinalakay ang detachment ng mga CAFGU na ikinamatay ng dalawang miyembro nito. IRENE GONZALES

Comments are closed.