PAGPATAY KAY GOV DEGAMO KINONDENA

MARIING kinokondena ni Senador Imee Marcos ang pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo sa loob ng kanyang pamamahay nitong Sabado ng umaga, Marso 4.

“Ikinalulungkot ko ito at nakikiramay ako kay Mayora Janice, sa kanilang dalawang anak at sa buong pamilya ng aking kaibigang si Gov. Degamo. Makakasama ko pa sana sya sa isasagawang AICS payout namin sa March 29.

Matagal kong naging kaibigan at kapwa gobernador si Roel. Sabay kaming nagsulong ng localized peace talks kay Presidente Duterte, at kung ako ay nanindigan sa agrikultura, siya nama’y ipinaglaban ang mga mangingisda.”

Nananawagan si Imee sa mga awtoridad para sa dagliang pagresolba sa krimeng ito at paghuli sa mga suspek.

“Huwag sana natin hayaang maging mitsa ito sa ating kapayapaan bilang bansang nag-uumpisa pa lamang bumangon mula sa pandemya,” dagdag ni Imee na personal na dumalaw at nakiramay sa pamilya Degamo sa Brgy. Bahong Pandan, Dumaguete, Negros Oriental Linggo ng umaga.