SAMAR-IIMBESTIGAHAN ng binuong Task Force kung konektado sa pagtulong ng journalist na si Jess Malabanan sa mga kaibigan kaugnay sa usapin lupa ang pagpaslang sa kanya sa Calbayog.
Sinabi ng TF Malabanan na lahat ng anggulo ay kanilang tinitingnan para maresolba ang pagpatay sa stinger ng Reuters.
Sa isang panayam, sinabi ni Mia, misis ng biktima na bagaman nakabase sila sa Pampanga ay nagpatayo rin sila ng maliit na bahay sa Samar na may maliit din silang tindahan sa Maharlika Highway.
Aniya, walang kaaway ang kanyang mister lalo na’t padalaw-dalaw lang sila roon at mayroong mga lumalapit para tulungan hinggil naman sa usapin sa lupa.
“Dito (Calbayog City), ang ginagawa niya, kasi may tinutulungan siya rito na mga farmer.Wala siyang kaaway dito, walang siyang kaalitan pero tumutulong lang siya sa mga tao dito dahil kinuha mga lupa na walang kalalaban-laban,” ayon kay Mia.
Gayunpaman, sinabi ng biyuda ni Malabanan na walang naikuwento ang biktima na may death threats siya habang nagtaka naman siya ilang araw ay mayroong bumibili sa tindahan nila na kakaiba ang kilos.
Sinabi naman ni Lt. Aileen Velarde, SITG Malabanan spokesperson na ginagawa na ng Samar Police Provincial Office (PPO) ang mandato ng kanilang PRO-8 Regional Director Brig.Gen. Rommel Cabagnot na pagbuo ng SITG upang bigyan po ng pokus ang ginagawang imbestigasyon tungkol sa pagpaslang kay Malabanan. EUNICE CELARIO