PAGPATAY, PAGDUKOT SA 2 CHINESE INIIMBESTIGAHAN

CAVITE- PATAY ang isang Chinese makaraang barilin ito sa ulo ng hindi nakilalang suspek habang isang pang Chinese ang dinukot ng kapwa Tsekwa sa magkahiwalay na insidente sa lalawigang ito.

Sakay ng minamanehong kotse ang biktima nang pagbabarilin ito sa kahabaan ng CM Selos Reyes Avenue, Brgy Javalera, General Trias City, Cavite.

Dead on the spot ang biktima na kinilalang si David Quina Jiang, alias Jiang Wei ,  46-anyos, residente ng Velvet View Subd, Kaybagal, South Tagaytay City.

Ganap na alas-5:14 ng hapon nang maganap ang insidente habang nagmamaneho ang biktima ng kanyang Mazda 3 na may plate number NED986 at bumabagtas sa nasabing lugar patungo ng Brgy.  Biclatan.

Biglang hinarang ng hindi nakilalang suspek na sakay ng isang Toyota Hiace van na may plate number NGP 2325 ang kotse ng biktima bago ito binaril sa ulo.

Samantala, dinukot ng anim na lalaki na dalawa sa mga ito ay Chinese at apat na nagpakilalang NBI, isang negosyanteng Chinese sa bahay nito kamakalawa sa Meadowood Subd, Brgy. Panapaan 8, Bacoor City, Cavite.

Tinangay ng mga suspek ang biktima na kinilala sa alyas na Ye Su.

Ayon sa ulat ng pulisya, ganap na alas-12:30 ng hapon nang dumating ang mga suspek sa bahay ng biktima sakay ng isang puting Toyota Hi-ace na may plate no. DAC 9322 at  isang SUV na kulay silver metallic.

Ikinulong ng mga suspek sa isang  kuwarto ng bahay ang 3 kasama ng biktima na bago tumakas ay pinagnakawan pa ng mga ito ang bahay at kinuha pa ang  pera ng mga biktima at ibang mahahalagang bagay sa loob ng bahay bago mabilis na nagsitakas.

Kasalukuyang nagsasagawa ng follow up ang pulisya hinggil sa insidente ng pamamaril at pagdukot sa dalawang Tsekwa.

SID SAMANIEGO