MARIING kinondena ni dating Special Assistant to the President at ngayon ay 2019 senatorial candidate Christopher Lawrence “Bong” Go ang naganap na brutal na pagpatay sa Grade 9 student na si Christine Lee Silawan, sa Cebu kamakailan, kasabay ng pahayag na dahil sa naturang krimen ay lalo pa niyang susuportahan ang mga panawagang muling buhayin ang death penalty sa bansa para sa mga karumal-dumal na krimen.
Sinabi ni Go na suportado niya ang death penalty dahil kumpiyansa siyang magiging epektibong paraan ito laban sa mga heinous crime.
Giit ni Go, ang hindi makataong ginawa ng mga salarin kay Silawan ay isang paalala na kinakailangan na talagang ibalik ang parusang bitay sa bansa.
Nanawagan din ito sa mga awtoridad na gawin ang lahat upang mabilis na maaresto at mapanagot sa batas ang mga salarin sa krimen.
Kaugnay nito ay tiniyak ni Go na nakatutok si Pangulong Rodrigo Duterte sa kaso ni Silawan.
“Naniniwala akong epektibong deterrent ang death penalty laban sa mga karumal-dumal na krimen, katulad ng walang awa at mala-demonyong paggahasa, pagpatay at pagbalat pa sa mukha ni Christine Lee Silawan ng Cebu,” ayon kay Go.
Matatandaang isa ang death penalty sa ipinangako ni Pangulong Duterte na ibabalik niya sa bansa noong panahong kumakandidato pa siya sa 2016 presidential elections.
Una na rin namang nangako si Go na sa sandaling palarin siyang makapuwesto sa Senado ay higit pa niyang susuportahan ang mga programa at polisiya ni Pangulong Duterte, kabilang na rito ang kampanya laban sa ilegal na droga at kriminalidad.
Si Silawan, 16, ng Barangay Mactan, Lapu-Lapu City, Cebu, ay matatandaang natagpuang patay noong Marso 11 sa isang bakanteng lote sa Sitio Mahayahay, Barangay Bankal, na walang saplot pang-ibaba, at ang mukha ay binalatan hanggang buto, habang nawawala rin ang ilang bahagi ng kanyang katawan, gaya ng kanyang dila at trachea.
Comments are closed.