PINAKIKILOS ni Vice President Sara Duterte ang mga awtoridad na tuldukan na ang nagaganap na pamamaslang sa nasa hanay ng mga halal na opisyal ng pamahalaan.
Aniya, labis nang nakakaalarma ang serye ng karahasan at patayan laban sa mga pulitiko.
Ito ang naging panawagan ni VP Sara sa ginanap na 2023 National Election Summit, kung saan pinakikilos nito ang mga law enforcement agency na gamitin ang lahat NG resources upang matiyak na wala nang magaganap na karahasan sa mga elected official, sa kanilang pamilya, taga suporta at mga kaalyado.
Binigyang diin nito na kailangan may managot, may makulong at mahinto na ang mga patayan.
Tinukoy ni VP Sara na lumilikha ng takot sa publiko ang nagaganap na karahasan.
Ang pahayag nito ay kaugnay sa nangyaring pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at sa walong iba pa na naganap sa loob mismo ng tahanan ng nasabing gobernador.
ELMA MORALES