PAGPATAY SA PINAY DH KINONDENA

bong go

KINONDENA ni Senador Christopher Bong Go ang pagpatay sa isa na namang Pinay domestic worker sa Kuwait na si Jeanelyn Padernal Villavende.

Sinabi ni Go na nakalulungkot isipin na kinakailangang  magsakripisyo at lumayo ang ilang mga Pinoy sa kanilang pamilya para kumita ng pera pero mas nakalulungkot na marami rin ang inaabuso habang ang iba ay humahantong pa sa kanilang kamatayan.

Anang senador, noong 2018 pa nilagdaan ang Labor agreement sa pagitan ng pamahalaan ng Filipinas at Kuwait pero sa kabila nito ay marami pa rin ang napauulat na pang-aabuso sa mga manggagawang Pinoy.

Dahil dito, nanindigan si Go na isusulong niya ang pagkamit ng katarungan para kay Jeanelyn at tutulong din siya para mapabilis ang pagpapauwi sa mga labi nito sa kanyang pamilya.

Siniguro ng senador na hindi siya papayag na may mga naaaping kababayan at lalong hindi siya papayag na hindi mabigyan ng  hustisya ang mga ito.

Samantala, kinumpirma ni Go na nakatakda pa sanang bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kuwait kapag bumiyahe ito sa Middle East pero dahil sa nangyari ay posibleng hindi na ito matuloy. VICKY CERVALES

Comments are closed.