PAGPATAY SA VICE MAYOR NG MAGUINDANAO KINONDENA NG DILG

MARIING kinondena ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang pananambang at pagpatay kay South Upi, Maguindanao Del Sur Vice Mayor Roldan Benito at isa pa nitong kasamahan.

Inatasan na ni Abalos ang Philippine National Police (PNP) na makipag­tulungan sa militar para tugisin ang mga salarin.

Biyernes ng hapon nang tambangan ang Vice Mayor at kasamahan na si Weng Marcos sa Sitio Linao, Barangay Pandan.

Nangako ang kalihim na gagawin ang lahat para makamit ang hustisya para sa mga biktima at mahubaran ng maskara ang utak sa pagpatay.

Kasabay nito, nagpaabot ng pakikiramay at panalangin ang kalihim para sa mga pamilya nina Vice Mayor Benito at Weng Marcos.

Hiniling din nito sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad kung mayroon silang anumang impormasyon na makakatulong sa mabilis na pagresolba sa kaso.

EVELYN GARCIA