PAGPE-PRESERVE KAY MALI, THE ELEPHANT SINIMULAN NA

SINIMULAN na ang pagpe-preserve kay Mali, ang nag-iisang elepante sa Pilipinas na namatay kamakailan.

Ito ang napag-alaman kay Manila Mayor Honey Lacuna, na nagsabi na inatasan na niya si City Administrator Bernie Ang na makipagpulong sa mga taong magsasagawa ng pagpepreserba kay Mali, kabilang na ang Parks and Recreation Bureau chief Roland Marino at zoo veterinarian Dr. Chip Domingo. Ito ay upang maplantsa na ang mga requirements at iba pang detalye.

Sa ilalim ng plano, sinabi ni Lacuna na kailangang gawin ang taxidermy na proseso para mapreserba ang balat ni Mali pati na ang kalansay at mga buto nito.

Kapag natapos na, si Mali ay ilalagay sa isang museum kung saan makikita pa rin ng mga bisita katulad na katulad noong ito ay nabubuhay pa.

Sinabi ng alkalde na sa loob ng ilang dekada, si Mali ang nagsisilbing star attraction sa Manila Zoological and Botanical Garden o Manila Zoo at dahil dito ay nagkaroon ng iba’t-ibang kuwento ang mga Manileño sa kanilang karanasan kay Mali.

“Mali is irreplaceable. I’m sure that just like me who grew up looking forward to see Mali when visiting the zoo, everyone has a special place in their hearts for her. This is why we want to perpetuate her memory by preserving her,” pahayag ni Lacuna.

Matatandaan na si Mali ay namatay noong Martes ng hapon matapos itong umabot sa kanyang maximum life span para sa Asian elephants.

“Alam n’yo naman po, prized possession namin si Mali, siya po ang star attraction dito sa Manila Zoo so nagsisimula na kaming magkaroon ng talks with the experts kung paano magagawang mai-preserve si Mali at mailagay siya sa museum natin dito,” ayon sa lady mayor.

Nabatid kay Lacuna, na base sa ulat mula kay Domingo, si Mali ay na- diagnosed na maraming tumor na nakaapekto sa ilang organs nito at nagdulot ng sobrang pressure sa kanyang katawan at puso at ‘di na kayang mag-pump ng sapat na dugo upang manatili siyang buhay.

Nalagpasan na ni Mali ang kanyang maximum life span na 40 hanggang 45 years old, dahil siya ay namatay sa edad na 50.

Ayon pa kay Lacuna, base sa records, ang pag-aaruga at pangangalaga kay Mali ay ipinaubaya ni dating Presidente Ferdinand Marcos sa city government ng Maynila sa ilalim ni dating Mayor Ramon Bagatsing.

Nakipag-usap na rin ang city government sa gobyerno ng Sri Lanka upang ipaalam sa kanila na namatay na si Mali, “in the hope that they find it in their heart to entrust another elephant in our care.”
VERLIN RUIZ