(Ni: CT SARIGUMBA)
BUKOD sa pag-iisip ng komportableng damit, kailangan ding komportable ang susuotin o pipiliin nating sapatos o sandals. Sa init pa lang ng panahon ngayon, kung minsan ay umiinit na rin ang ating mga ulo. Mas magiging happy nga naman tayo at relax kung komportable ang mga suot nating sapatos o kaya naman ay sandals.
Mainit nga naman ang panahon at kung mainit pa ang mga susuotin nating outfit, tiyak na maiinis tayo at hindi natin ma-e-enjoy ang summer. Panigurado ring nakakusamot ng bonggang-bongga ang mga mukha natin habang namamasyal o naglalakad-lakad.
Kaya para maiwasan ang ma-stress at mainis sa panahong napakatindi ang init ng panahon, napakahalagang nagiging mapili tayo sa pagbili ng mga gagamitin nating sapatos at sandals.
Sa panahon ngayon ay napakarami ng styles at klase ng sandals at sapatos ang puwede nating pagpilian. Marami ring klase at kulay na abot-kaya lang sa bulsa.
Narito ang ilan sa mga dapat na isaalang-alang sa pagpili ng swak na sandals o sapatos ngayong summer:
COLORFUL AT PAGIGING SOFT NG SAPATOS O SANDALS
Dahil summer, isa sa masarap at komportableng suotin ay ang colorful shoes at sandals. Bukod nga naman sa swak na swak ito sa panahon, nakadaragdag din ito ng ganda sa kabuuan ng nagsusuot. Dahil makulay nga naman, nakagagaan din ito sa paningin.
Kaya naman kung mamimili o bibili ng sandals at sapatos ngayong summer, siguraduhing colorful ito. Mas madali ring bagayan ang mga colorful sandals at shoes.
Bukod sa pagiging colorful, isa pa sa dapat nating isaalang-alang ay ang pagkakagawa o pagkakayari ng produktong ating tatangkilikin.
Bukod sa matibay, kailangang malambot ang tapakan ng pipiliin ninyong sapatos o sandals para maglakad man kayo nang maglakad, hindi sasakit ang inyong mga paa at hindi rin kayo magkakapaltos.
May mga sapatos sa panahon ngayon na magagandang tingnan at akala natin ay komportable sa paa pero kapag suot mo na, doon mo lang malalaman na hindi pala ito soft at hindi rin maganda sa paa.
Kaya bago bumili, kilatising mabuti ang produkto nang makatiyak.
Mas mae-enjoy n’yo rin ang pag-iikot at pamamasyal ngayong summer kasama ang inyong buong pamilya kapag tamang-tama sa inyo ang sandal o sapatos na inyong nabili at komportable kayo habang suot ito.
MAGSUOT NG ANGKOP NA SANDALS AT TAMA ANG LAKI
Tuwing tag-init maraming umaalis para mag-hiking, pumunta sa beach o mag-picnic kasama ang pamilya.
Pumili ng sandals na swak sa inyong summer activity para masiguro ang comfort at safety ninyo.
Kung magha-hiking, siguraduhing ang footwear ay may magaspang na outsoles, matigas na midsoles, matibay na toe boxes at straps na nakapalibot sa paa.
Para sa water activities tulad ng rafting at paglalakad-lakad sa tabing-dagat, gumamit ng magaan at water resistant na sandals o sapatos.
Importante rin ang tamang sukat sa paghahanap ng komportableng sapatos.
Ayon sa pag-aaral, mabuting bumili ng footwear sa hapon o gabi dahil dito makukuha ang eksaktong sukat ng mga paa. Natural umanong nag-e-expand ang paa matapos ang activities sa maghapon.
Sa pagpili ng sandals, ang paa ay dapat mas maliit kaysa sa sole at hindi lumalagpas sa harap, mga gilid at likuran.
Ang straps ay dapat ding hindi maluwag at hindi rin mahigpit na posibleng mag-iiwan ng marka.
TAMANG SUPORTA SA PAA
Mahalaga ang tamang arch support sa pagpapanatili ng komportableng paa. Kapag tama o sakto rin ang arch support nang bibilhing sapatos o sandals ay maiiwasan nito ang madaling pagkapagod, gayundin ang pananakit ng likod.
Maaaring piliin ang mga sandal o sapatos na may spongy at supportive midsoles dahil nakatutulong ito sa talampakan na maging komportable sa mahabang oras ng pagtayo o paglalakad.
Sukatin ding mabuti ang bibilhing sapatos nang masigurong akma at swak ito sa inyong paa.
Hindi naman kailangang bumili ng bagong sapatos kapag mainit ang panahon. Puwede rin naman nating suotin ang mga sapatos o sandals na mayroon tayo. Basta’t ang importante ay komportable tayo sa susuotin natin.
Kailangan ding malamig at maaliwalas ito sa pakiramdam para ma-enjoy natin nang lubusan ang summer lalo na kung magba-bonding kayo kasama ang pamilya at kabarkada. (photo credits: bestshoeswomen.com, shershegoes.com, health.harvard.edu)
Comments are closed.