PAGPILI NG TAMANG LIDER IDINAAN SA MUSIKA

MUSIKA - LIDER

ANG musika ay hindi lamang isang uri ng libangan. Ito ay may kapangyarihan at nagtataglay ng mas malalim na kahulugan upang makapaghatid ng mensahe at magamit na instrumento para sa pagbabago.

Hindi lamang iisang beses ginamit ang musika upang ipamahagi ang mga nagkakaisang saloobin ng sambayanan.

Kamakailan, lumutang sa Internet ang ilang mang-aawit na nagpapahayag ng pagkadismaya sa dinaranas na hirap ng mga Filipino sa kasalukuyan nating kalagayan at kung ano ang mga katangian ng isang lider na dapat iboto sa susunod na halalan.

Isa na rito si Ely Buendia, dating miyembro ng grupong Eraserheads, sa kanyang kantang Metro.

Sa pamamagitan ng kanta, ibinahagi ni Buendia ang kanyang pananaw hinggil sa kasalukuyang kalagayan ng Filipinas. Naipabatid ni Buendia ang kanyang saloobin tungkol sa umiiral na sistema sa lipunan tulad ng pagbubulag-bulagan sa mga pahirap sa bayan at pagbibingi-bingihan sa mga kasinungalingan ng mga nakaupo sa pamahalaan.

Ipinahiwatig din ni Buendia na sapat nang dahilan ang nangyayaring pahirap sa bansa at mamamayan upang huwag nang maniwala sa mga politikong madalas mangako ngunit palaging napapako.

Tulad ni Buendia, isang video rin ni Freddie Aguilar mula sa YouTube ang lumitaw kamakailan. Sa naturang video, makikitang kumakanta si Aguilar ng bago niyang awitin na Ang Lider.

Sa kanyang awitin, ipinahayag ni Aguilar ang kanyang saloobin dahil sa patuloy na pagbagsak ng ekonomiya ng Filipinas at marami ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemiya na dulot ng COVID-19 na nararanasan ng buong mundo.

Ayon kay Aguilar, mabigat ang papasanin na responsibilidad ng susunod na pangulo ng bansa kaya dapat lamang na bumoto ang taumbayan ng lider na may talino, may kakayahan mamuno at busilak ang puso.

Kabilang din ang grupong Aegis na naglabas ng kanilang awitin na tuwirang tumatalakay sa naratibong pagpapabaya ng kasalukuyang pamahalaan at sa kabilang banda ay nagbibigay ng inspirasyon na may bukas pa kaya kailangan nang bumangon ng Filipinas. Ang awitin ay may titulong May Bukas Pa Bangon Bayan.

Ang awitin ng Aegis ay may dalawang bersyon, ang Tagalog at ang Binisaya na may titulo naman na May Ugma Pa Bangon Nasud.

Bukod sa Aegis, ang grupong Asin sa pangunguna ni Lolita Carbon, na itinuturing ng isang alamat, ay may inilabas din na kanta. Ito ay ang Bayan Kong Mahal.

Sa awitin, sinabi ni Carbon ang mga katangian ng isang lider na dapat maluklok sa pagkapangulo. Aniya, dapat ang isang lider ay may paninindigan, may sipag, may talino at sa pamumuno ay tapat.

Ang mga awitin nina Ely Buendia, Freddie Aguilar, Aegis at ng grupong Asin ni Lolita Carbon ay naka-post sa YouTube channel ng WeNeedALeaderPH.

Bawat video ay may views na hindi bababa sa 10,000 at may posibilidad na maging viral dahil sa dami ng mga netizen na nagbabahagi sa mga ito.

Ang WeNeedALeaderPH YouTube channel ay pinatatakbo ng We Need A Leader, 2022 – isang  adbokasiya na pinangungunahan ni dating House Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez.

Ang musika ay isa sa napakabisang uri ng komunikasyon at paraan sa pagpapalaganap at tagapaghatid ng mga ideya, kaisipan at saloobin. Dapat lamang itong gamitin nang maayos tungo sa ikabubuti ng bansa.

3 thoughts on “PAGPILI NG TAMANG LIDER IDINAAN SA MUSIKA”

Comments are closed.