PAGPONDO SA CANCER PATIENTS ISUSULONG BILANG PARANGAL KAY TOOTS OPLE

NANGAKO  si Senate President Migz Zubiri sa pamilya ng yumaong Migrant Workers (DMW) Secretary Susan “Toots” Ople na mangunguna sa pagtatatag ng pondo na nakatuon sa pagsuporta sa mahihirap na cancer patients.

Ang desisyong ito ay matapos ibahagi ni Estelle Ople Osorio, anak ng yumaong kalihim, sa kanyang talumpati ang pagkabahala ng kanyang ina tungkol sa pinansiyal na pasanin na dulot ng cancer.

“I remember she was saying na ang hirap magkaroon ng cancer pero buti tayo kahit papaano kinakaya natin ang gastos. Mas mahirap kung wala. Paano ‘yung mga wala?” ani Osorio.

Ibinahagi rin ni Osorio na ang kanyang ina ay nagpahayag ng intensyon na talakayin ang pagtatatag ng isang cancer fund para sa mga OFW sa Department of Health at iwanan ang makabuluhang legacy na ito bago ang kanyang pagreretiro sa Disyembre.

Sinabi ng anak ni Ople na: “I’m appealing po to the Senate na if that would be the last thing that she wanted me to happen.”

“Maghahanap kami ng paraan… Maglalagay po tayo ng endowment fund under the name of Secretary Toots Ople na magbibigay po ng pondo para sa ating mga indigent patient for cancer treatment,” ani Zubiri.

“Unfortunately, she passed away before she could see this to fruition,” dagdag pa niya.
LIZA SORIANO