(ni CYRILL QUILO)
NITONG nagdaang buwan ng October ginaganap ang selebrasyon ng museum at galleries sa bansa bilang paggunita sa iba’t ibang kasaysayan sa Filipinas. Isa rito ay ang pagbibigay-pugay sa kauna-unahang Soprano Recording Artist ng bansa na si Maria Evangelista Carpena.
Kasabay ng kanyang ika-133rd na kaarawan, ang ina ng Sta. Rosa City na si Mayor Arlene Arcillas, kasama ang City Council ay nagkaroon ng resolution na isunod sa pangalan ni Carpena ang kanilang Amphitheater bilang pagpupugay at pagkilala sa kanilang kababayan na nagbigay karangalan sa ating bansa. Ito ay matatagpuan sa tapat lamang ng Museo de Sta. Rosa kung saan matatagpuan ang mga nakalagak na mahahalagang koleksiyon at maaaring maipakita sa mga tao ang kahala-gahan ng kasaysayan at bilang selebrasyon ng “Museum and Galleries Month”.
Lingid sa kaalaman ng mga taga-Sta. Rosa City, dito isinilang si Maria noong Oktubre 22, 1886. Naging sikat na sikat noon ang kantang “Ang Maya” na ni-record sa United States at nang lumaon ay kinahumalingang kantahin ng lahat.
Hinanap ng kanyang kaapo-apuhan na si Dr. Rosauro “Bimbo” Sta. Maria, chief ng Laguna Tourism, Cultural Affairs and Trade Officer (LTCATO) ang kanyang “Lelang” o lola sa tuhod. Bagaman isang hamon ang kanyang haharapin dahil sa hindi niya alam kung saan magsisimula sa isang napakalaking sementeryo at daang libo nang nakahimlay. Sinuong niya ang 26 hec-tare na libingan ng La Loma Cemetery, Manila makita lang ang kanyang lola na diva.
Si Carpena ay itinuring noon pa man bilang “Nightingale of Zarzuela” taong 1908. Ngayon ay nagbabalik sa kanyang bayan, ang Sta. Rosa, kung saan una siyang dapat na makilala. Ito ang nais na ipakita ng Southern Luzon Association of Mu-seums SLAM “Project Bayan: Curating South Luzon”.
“Kami ay taga Sta. Rosa na pero hindi namin siya nakilala,” ayon kay Nescy A. Esguerra, City Tourism Officer at curator ng Museo de Sta. Rosa.
Ayon pa sa kuwento ni Esguerra, noong 15-anyos pa lamang ang singer ay saka lamang natuklasan ang kanyang talento. Unang nagtanghal sa entablado nang patago sa kadahilanang ayaw o hindi sang-ayon ang kanyang ama sa kanyang ginagawa. Hanggang sa “itinakwil” siya ng tatay niya. Nagsumikap ito at pinangatawanan ang kanyang ambisyon na maging singer.
At dahil sa matinding kagustuhang maging singer, nilisan ni Carpena ang kanyang bayan. Lumuwas ng Maynila at nani-rahan sa isang kumbento sa Colegio de Sta. Rosa sa Intramuros kung saan tumutulong siya sa gawaing bahay at nagbuburda bilang kapalit sa kanyang pagtira sa lugar.
Una siyang nagtanghal noon sa isang concert sa Zorila Theater taong 1901 kung saan siya pinalakpakan ng marami.
Mas nakilala pa noong 1902 nang naging director si Severino Reyes at nagtanghal sa Gran Compania de Zarzuela Tagala kung saan ginampanan niya ang main character na Minda Mora. Nasundan pa ito ng maraming proyekto na siya ang bida tulad ng Walang Sugat, Lukso ng Dugo at La Confianza Mata al Hombre.
Maging ang mga dayuhan ay napansin ang kanyang talento kung kaya’t naimbitahan siya ng Governor General Howard Taft sa United States noong 1908. Dito siya tinaguriang “first Filipino Recording Artist in the Philippine history” dahil sa sikat na sikat niyang kantang “Ang Maya”.
Kumanta rin siya noon sa Luneta na kung isasalarawan ito ay aabot halos ng 20,000 katao ang nakadalo at nanood sa kanyang pagtatanghal.
Walang pormal na training at hindi man lang marunong bumasa ng nota ang singer diva, at nagbabase lamang siya sa kanyang pandinig.
Namatay ang asawa ni Maria na si Jose Alcantara noong siya ay nasa edad na 18 pa lamang at nabiyayaan siya ng dala-wang anak na sina Florita at Jaime. Agad ding pumanaw si Maria Carpena noong Marso 9, 1915 sa edad na 28 dahil sa kanyang appendectomy. Inilibing siya sa La Loma Cemetery na naging dahilan kung bakit nakabalik sa sariling bayan ang mang-aawit.
Comments are closed.