PAGPUPUGAY SA ATING MGA GURO

NANINIWALA tayong mga Pilipino na ang edukasyon ang panangga natin sa laganap na kahirapan sa mundo.

Nariyan nga lang ang katotohnanan na ang mga guro naman ang siyang naghihirap.

Kung susuriin kasing mabuti, ang pagtatrabaho ng working class, kasama rito ang mga titser, ay napaka-responsable at kailangang-kailangan.

Sabi nga, nakakaahon naman sa kahirapan ang lipunan sa pamamagitan ng kanilang mga kamay.

Aba’y hindi maitatangging mataas ang antas ng mga guro sa ating lipunan.

Kumbaga, sila ang mga bayaning hindi nabibigyan ng sapat na pagkilala.

Tunay na nagbubuwis din sila ng kanilang buhay sa tuwing mayroong halalan.

Kaya sa paggunita ng “World Teachers’ Day” nitong Martes, Oktubre 5, binigyang-pagkilala ng Department of Education (DepEd) ang kabayanihan ng mga guro para sa tagumpay na pagbubukas ng klase ngayong taon sa ilalim ng new normal setup.

Kung matatandaan, ipinagdiwang din ng Pilipinas ang “National Teachers’ Month” mula Setyembre 5 hanggang Oktubre 5.

Sa kabila ng mga hamon at problemang nararanasan ng ating mga titser, aba’y sa ilalim ng “new normal” ay sinisikap pa rin nilang makapag-adjust.

Dapat talagang purihin ang katatagan, kakayahang umangkop, kooperasyon at pang-unawa ng ating mga guro.

Hindi biro ang dinaranas ng ating mga titser ngayong may pandemya.

Noong 2020, ang unang taon ng krisis, ay naharap at napagtagumpayan nila ang coronavirus.

Pahirapan ang learning schemes na ginagamit sa kasalukuyan.

Maliban sa pamamahagi ng printed learning modules sa mga mag-aaral na hindi makaka-access sa internet dahil nasa malalayo at liblib na lugar, mahirap din ang online classes.

Kahit noong wala pang pandemya, napakahirap ng mga gawain ng mga guro.

Sabi nga, kulang kung ating tutuusin ang kanilang suweldo.

Tambak pa ang mga gawain nila sa paaralan kahit lampas na sila sa oras na magtrabaho.

Kung minsan pa nga, ang mga titser ay hindi binibigyan ng kaukulang respeto ng mga mag-aaral pati na rin ng mga magulang.

Kaunting pagsaway sa mga mag-aaral ay nauuwi pa sa reklamo o kaso.

Kaya tama ang inilabas na Memorandum Order No. 130, series ng DepEd noong 2018 na naglalayong ipagdiwang ang “National Teachers’ Month,” sang-ayon na rin sa Presidential Proclamation No. 242 at Republic Act No. 10743.

Layunin ng selebrasyon na bigyang-pugay at pagkilala ang kahalagahan ng pagtuturo bilang propesyon at bigyang importansiya ang ambag ng mga guro sa “nation building.”

Nais din nitong paigtingin ang imahe ng mga guro upang mabigyan sila ng tamang respeto at maitaas ang antas ng kamalayan ng publiko ukol dito, bigyan sila ng malawakang suporta, at ibigay ang pasasalamat sa mga naging ambag nilang positibong aral sa mga bata.

Tandaan na kung walang mga guro, walang karunungan habang wala ring mga doktor, dentista, enhinyero, manunulat, mamamahayag, at iba pang propesyon kung wala sila.

Sila ang tinatawag na mga pangalawang magulang dahil katulong sila sa paghubog ng ating asal at kaalaman.

Kung maaari nga lang ay bigyang-pugay sila at pagkilala araw-araw.

Hindi matutumbasan kailanman ang paglinang nila ng ating kaalaman habang sila rin ang humuhubog sa ating personalidad bilang isang tao at mabuting mamamayan ng Pilipinas.

Nakikiisa naman ang “WALANG SINASANTO” sa pagbibigay-pugay sa lahat ng mga guro sa sambayanang Pinoy nitong “World Teachers’ Day”.

Tandaan na ang hamon ng buhay ng mga kabataan ay nakaatang sa inyong mga balikat.

Mabuhay ang mga gurong Pilipino!

5 thoughts on “PAGPUPUGAY SA ATING MGA GURO”

Comments are closed.