SA pamamagitan ng mga exhibit panel, binigyang pugay ng Catholic Mass Media Awards (CMMA) ang mga awardee nito sa mga nagdaang taon kasunod ng pagdiriwang ng kanilang ika-40 anibersaryo na ginanap sa Intramuros, Maynila nitong Sabado, Mayo 12.
Isinabay pa sa paggunita ng 2018 World Communications Day ang paglulunsad ng nasabing exhibit panels ng CMMA kung saan binigyang pugay ang nagwaging awardees mula nang itayo ang organisasyon noong taong 1978. Nagdiriwang ng ika-40 anibersaryo ang CMMA sa temang – “The Truth will Set you Free.” (John 8:32)
Magkakasamang nag-ribbon cutting para sa CMMA Exhibit Panels sina D. Edgard A. Cabangon, Chairman ng CMMA, Ms. Sharon Tan, Juan Dayang, Secretary, Rev. Fr. Joselito Buenafe, Chairman of CMMA Production and Trustee, at si Engr. Feorelio Bote, Board of Trustee, sa Arzobispado de Manila, Arzobispo Street, Intramuros, Maynila.
Lubos namang pinasalamatan ni Chairman Cabangon ang patnubay at inisyatibo ni Jaime Cardinal Sin at ng kanyang ama na si Amb. Antonio Cabangon Chua na magkapit-bisig na nagtulungan sa pagbuo ng CMMA at sa kanilang dedikasyon upang maabot ng grupo ang ika-40 taong anibersaryo.
“Through the guidance of Jaime Cardinal Sin and our Dad, Amb. Antonio Cabangon Chua, we have reached this milestone. Salamat po sa inyong guidance to all of us,” ani Cabangon.
Pinasalamatan din niya ang pakikiisa at pagtugon ng Commission on Social Communications ng Archdiocese of Manila dahil sa oportunidad na mailunsad ang naturang exhibit panels kasabay ng kanilang proyektong Faith Lens 2018 sa iisang venue sa Intramuros.
“The CMMA, as a project of the Archdiocese, shares the commissions desire to put communications and mass media at the service of Christian Values. Thank you for giving us the opportunity to launch our celebration in this venue,” dagdag pa ni Cabangon.
Kasabay rin ng naturang blessing at unveiling ng mga exhibit panel ng CMMA, nagkaroon din ng maikling lecture si Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary for the Commission on Public Affairs ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), kaugnay sa tinatawag na ‘Fake News’ at sinabing hindi lamang fake news ang problema ng bayan, pati na rin ang krisis sa katotohanan.
“If there are fake news. There will be a crisis of truth. Ang iba nag-uugat o nanggagaling sa pamilya, simbahan, Barangay, at sa opisina, halimbawa ang greed pedeng mamotivate yan to jealousy competition,” ani Fr. Secilliano.
Inaanyayahan ng CMMA ang publiko na sumali para sa Student at Professional Category (Internet, TV, Radio, Print, Advertising and Music), habang ang iba pang detalye kaugnay rito ay maaaring makita rin sa Facebook page na The Catholic Mass Media Awards.
Nabatid na ilalagay at ililibot sa mga simbahan, at mga paaralan, ang mga naturang milestone panel upang hikayatin din ang mga church organizations, at mga mag-aaral na lumahok sa Students Category ng nasabing parangal.
Ipalalabas din ng pamunuan ng CMMA sa mga simbahan at paaralan ang mga nagwaging pelikula para sa students category mula taong 2013-2017.
“Its a time for glory for the CMMA. This blessing and unveiling of panels which represents the wonderful milestones and awardees of CMMA is a reflection testimony of our vision and mission as a Catholic award giving body,” ani Rev. Fr. Buenafe.
Para sa karagdagang detalye, kategorya at criteria ng nasabing parangal, maaaring magtungo ang publiko sa CMMA Secretariat Office sa 5/f Dominga Bldg., Chino Roces Avenue, corner Dela Rosa Street, Makati City, o tumawag sa 892-4779 / 867-4026 o mag-email sa [email protected] / [email protected]. PAUL ROLDAN
Comments are closed.