Taong 1996 nang pumanaw ang sikat na Director sa puting tabing na si Ishmael Bernal — June 2, 1996 ang eksaktong petsa. Atake sa puso ang kanyang ikinamatay sa batang edad na 57, noong panahong nasa kasikatan ang kanyang karera, at ang tanging kalaban ay isa pang batikang director din na si Lino Brocka.
Inilibing siya sa Himlayang Pilipino sa Quezon City, ngunit nitong September 12, 2024 — 28 years and three months matapos ang kanyang kamatayan, muling hinukay ang kanyang mga labi at inilipat sa Libingan ng mga Bayani noong September 14, 2024, bilang pagpupugay sa isang alagad ng sining na itinuturing na ngayong isang bayani.
Sa pagbabalik-gunita, isinilang si Bernal noong September 30, 1938 sa Maynila. Kinilala siya sa pagdidihire ng mga pelikulang nagsilbing social commentary at pakikipaglaban noong kanyang panahon. Itinuturing siyang “genius of Philippine cinema” at isa sa mga director na tumulong upang maiangat ang ikalawang golden age of Philippine cinema.
Ilan sa mga hindi malilimutang obra ni Bernal ay ang mga pelikulang Nunal sa Tubig (1976), City After Dark (1980), Relasyon (1982), Himala (1982), at Hinugot sa Langit (1985). idineklara siyang National Artist ng Pilipinas noong 2001.
Ayon sa kanyang pamangking si Dr. Bayani Santos Jr., me prosesong sinusunod ang kanilang pamilya kaya inabot ng mahigit dalawang dekada bago nailipat ang kanyang mga labi sa Libingan ng mga Bayani.
Ang Libingan ng mga Bayani ay isang pambansang sementeryo o sa loob ng Fort Bonifacio na matatagpuan sa MacKinley, Taguig City sa kalakhang Maynila. Inilaan ito bilang huling hantungan ng mga taong naglingkod ng tapat sa bayan.
Ayon kay Santos, maituturing na bayani si Bernal dahil sa hindi matatawarang impluwensya at kontribusyon nito sa Philippine Cinema. Gamit ang katsang pilak, ipinamulat niya sa mga Filipino at sa mundo ang kanyang adbokasiya at mga isyu ng lipunang pilit pinagtatakpan.
Bilang isang “celebrated filmmaker” hindi matatawaran ang naging impluwensya ni Bernal sa Philippine cinema gamit ang kanyang mga obra, at bilang ganti at pagtanaw ng utang na loob ng bansa, siya ay binigyang parangal.
Sa isang pribadong funeral vigil na isinagawa noong September 13 ng gabi, binigyan si Bernal ng isang tribute. Dinaluhan ito ng iba pang respetadong filmmakers, mga director at manunulat na nagbigay-pugay kay Bernal at nagbahagi ng kanilang mga alaala sa naturang national artist.
Ayon kay Rose Ledesma, kapatid ni Bernal, “Last night, first-time ko nakita yung life niya, how he was as a person. Hindi lang as a movie director, hindi lang as a public figure, but how he was as a person na gusto niyang mag-improve ang mga lives of anybody that crosses his path.”
Hindi lamang nag-iwan ng puwang si Bernal sa industriya ng pelikula. Nag-iwan din siya ng hindi matitingkalang pamana bilang visionary artist.
Nagmula si Bernal angkan ng mga academicians at artists.
“He was shaped by a clan whose members have made sterling contributions that molded him as well as our people in lifting the Filipino spirit in creating a great nation,” ayon kay Santos.
Ipinagmamalaki ni Bernal noong siya’y nabubuhay pa, na kabilang siya sa angkan ni Lope K. Santos, ang itinuring na “Ama ng Balarilang Pilipino”. Inaalala si Bernal ng kanyang mga kamag anak na isang pambihirang talent “that has aquired a love for language and the precision of thought”.
Siya ang kauna-unahang movie director sa kanilang angkan, at direktang descendant ng pambansang bayaning si Antonio Luna. Pinsan siya ng kilalang composer na si George Canseco, at maging si Rolando Santos Tinio na isa ring deklaradong national artist.
Anak siya nina Elena Bernal at Pacifico Ledesma, at nakapagtapos sa University of the Philippines ng Bachelor of Arts degree in English noong 1959.
Nag-aral din siya sa France ng Licentiate in French Literature and Philosophy sa University of Aix-en-Provence. Natanggap niya ang Diploma sa Film Directing noong 1970 sa Film and Television Institute of India sa Pune sa pamamagitan ng Colombo plan scholarship.
Isinulat at binigyang direksyon ni Bernal ang kanyang unang pelikulang Pagdating sa Dulo (At the Top) noong 1971, na sumalamin sa buhay ng squatter colonies sa panahon ng Martial Law. Mula noon, nakilala si Bernal bilang innovative at intelihenteng filmmaker.
Malawak ang genre at iba-iba ang theme ng kanyang pelikula. May historical drama tulad ng El Vibora (The Viper) at “Bonifacio” episode sa hindi naipalabas na Lahing Pilipino (The Filipino Race); sophisticated comedies tulad ng Tisoy (Mestizo), Pabling (Playboy), Working Girls I at Working Girls II; experimental films tulad ng Nunal sa Tubig (Speck in the Water) at Himala (Miracle); at contemporary dramas exploring human psyches and social relationships, tulad ng Ligaw Na Bulaklak (Wildflower), Mister Mo, Lover Boy Ko (Your Husband, My Lover), Ikaw Ay Akin (You Are Mine), Relasyon (The Affair), Aliw (Pleasure) at ang film classic na Manila by Night (City After Dark) at marami pang iba. Kung pakasusuriin, ang “filmography” ni Bernal ay sakit ng lipunan.
Bilang isang feminist director, ilan sa kanyang obra na tumalakay sa temang ito at ang Relasyon, Hinugot sa Langit (1985), Working Girls. Bago siya pumanaw, nakatakda sana niyang gawin ang life story ni Lola Rosa Henson, isa sa comfort women na inabuso umano ng mga sundalong hapon noong Japanese occupation.
Isa sa mga dumalaw sa huling lamay ang isa pang sikat na Director na si Joel Lamangan. Hinikayat umano siya ni Bernal na maging “catalyst for change” sa pamamagitan ng paglikha ng mga pelikulang magpapakita ng realidad ng buhay.
“Sabi nya, ‘Joel, halika, ikaw ba talaga gusto mo maging direktor?’ Eh, di ko gusto maging direktor ng pelikula, theater lang ako nun. Sabi ko baka sakali.
“Sabi nya ‘Hindi, maging director ka ng pelikula. ‘Yan ang pinaka-potent, ang direktor ng pelikula, dahil nakikita ng buong bayan ang ginagawa mo. Ang theater, dun lang sa Raja Soliman.
“‘Dapat, ang sasabihin mo, yung totoo, batay sa totoo, batay sa nangyayari sa totoong buhay. Ikaw ay isang story teller,’ sabi nya sakin, ‘dahil gumagawa ka ng kwento batay sa nakikita mo,” kwento ni Lamangan.
Dagdag pa ni Lamangan, pinayuhan daw siya ni Bernal na gumawa ng mga pelikulang hango sa totoong buhay. “Ikaw ay isang story teller, sabi nya sakin, dahil gumagawa ka ng kwento batay sa nakikita mo at batay sa naranasan mo. Pero kailangan, malinaw ang punto de vista mo. Kaninong interest ang dinadala ng kwento mo. Sa interes ba ng konti lang o sa interest ng marami? Kasi iba’t iba ang kwento. Dapat, ikaw na direktor, ang gagawin mo ay istoryang nagre-reflect ng katotohanan ng marami. Di yung katotohanan ng konti lang.
Ma. Luisa Macabuhay-Garcia