PAGPUPUSLIT NG BUGATTI LUXURY CARS IIMBESTIGAHAN

NAIS  ni Senador Win Gatchalian na imbestigahan ang smuggling ng dalawang Bugatti Chiron sports cars sa kagustuhang matugunan ang revenue leakage dahil sa ilegal na pagpasok ng mga luxury cars sa bansa.

Inihain ni Gatchalian ang Proposed Senate Resolution No. 954 na naglalayong wakasan ang tahasang pagpupuslit ng mga luxury sports car sa bansa sa pamamagitan ng pagsasagawa ng remedial legislation.

Ayon sa kanya, hindi dumaan sa regular customs clearance ang dalawang luxury sports car, isang kulay blue na Bugatti na may plakang NIM 5448 at isang pulang Bugatti na may plakang NIM 5450. Ang mga sasakyang ito kasi ay walang import documents gaya ng kinumpirma ng Management Information System at Technology Group ng Bureau of Customs (BOC).

“Kailangang matukoy ang mga butas sa mga proseso sa gobyerno na humahantong sa patuloy na tahasang pagpupuslit ng mga luxury item sa bansa, kabilang ang mga sasakyan. Isa ito sa mga dahilan kung bakit nawawalan ng kita ang gobyerno at nagdudulot ito ng malaking banta sa pambansang ekonomiya,” sabi ni Gatchalian, na namumuno ng Senate Committee on Ways and Means.

Ayon sa kanya, ang isang pagsisiyasat ay magbibigay-daan sa pamahalaan na masuri kung gaano katalamak ang pagpupuslit ng sasakyan sa bansa, para mapahusay ang border control measures, magdisenyo ng mga makabagong pamamaraan at teknolohiya upang masawata ang luxury car smuggling, at matugunan ang tax leakages.

Matapos makatanggap ng impormasyon noong Nobyembre ng nakaraang taon, nagsagawa ng imbestigasyon ang BOC sa mga ulat na ang nasabing mga luxury vehicle ay pumasok sa bansa nang hindi dumaan sa regular customs clearance. Kasunod nito, naglabas ang ahensya ng warrant of seizure laban sa dalawang undocumented na Bugatti na nakita sa Maynila at mga katabing lungsod.

Ang dalawang mamahaling sasakyan, na nagkakahalaga ng P165 milyon bawat isa at hindi nagbayad ng custom duties at taxes, ay nakarehistro sa pangalan ng isang Menguin Zhu at isang Thru Trang Nguyen. Sa 50% na excise tax, dapat ay nakakolekta ang gobyerno ng P165 milyon mula sa importasyon ng dalawang sasakyan, ani Gatchalian.

“Hindi natin dapat pinapalusot ang mga ganitong gawain dahil malaking kabawasan ito sa buwis na dapat nakokolekta ng gobyerno na kailangan natin para maipatupad ang mga proyektong magpapalakas sa ekonomiya at magpapaunlad sa mga Pilipino,” pagtatapos niya.