PAGREBISA SA MAGNA CARTA, SAGOT SA HIRIT NA UMENTO NG MGA GURO

PINAREREBISA ni Senador Win Gatchalian ang Republic Act 4670 o Magna Carta for Public School Teachers para matugunan ang matagal nang hinaing ng mga guro na mababang sahod at nakakaawang kalagayan.

Sa 27 probisyon ng naturang batas, 11 lang ang natupad, siyam ang bahagyang natupad at pito ang hindi pa natutupad.

Sa policy forum na pinamunuan ng Civil Society Network for Education Reforms (E-Net Philippines) at ng Senate Committee on Basic, Education, Arts and Culture, sinabi ni Gatchalian na, “mayroon talagang pa­ngangailangan na itaas ang suweldo ng ating guro dahil naiiwan na ang mga Teachers I, II at III pagdating sa pay gap kumpara sa Master Teachers I, II at III.”

Si Gatchalian ang Chairman ng Committee on Basic, Education, Arts and Culture sa Senado.

Ang sahod ng isang Teacher I na nasa ilalim ng Salary Grade (SG) 11 ay umaabot ng P20,754 kada buwan. Nasa ilalim naman ng SG 18 ang buwanang sahod ng Master Teacher I na umaabot sa P40,637.

Isinabatas ang RA 4670 noong 1966 bilang pagtugon sa matinding pangangailangan na maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga guro base na rin sa rekomendasyon ng International Labor Organization o ILO at ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization’s o UNESCO.

Bukod kasi sa mababang sahod, problema rin ang kawalan ng ibang benepisyo tulad ng special hardship allowance, hazard pay, at taunang libreng check-up.

Ayon kay Gatchalian hindi lahat ng mga probisyon ng batas ay nangangailangan ng pondo para maisakatuparan ang naturang mga layunin. Isa rito ang usapin ng oras ng trabaho ng mga guro.

“Talagang napakalaking hamon nito pagdating sa pagbibigay ng world-class teachers’ welfare program. Kapag sinabing world-class, hindi lang naman natin tinitingnan and sweldo pero maging ang iba pang mga pangangailangan na dapat nating naibibigay sa ating mga guro,” ani Gatchalian.

Dahil dito, maghahain si Gatchalian ng isang resolusyon upang magsagawa ng pagdinig ukol sa Magna Carta. VICKY CERVALES

Comments are closed.