PAGs BUBUWAGIN, ILLEGAL FAs KUKUMPISKAHIN NG PNP

ISANG buwan bago ang pagsisimula ng election period, inatasan ni Phi­lippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang kanilang mga regional director na mas paigtingin pa ang paghabol sa Private Armed Groups (PAGs)  at loose firearms.

Ayon kay General Marbil, layon nitong alisin ang mga maaring maging banta sa nalalapit na 2025 midterm elections

Kasunod na rin ito ng direktiba ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isinagawang command conference ng PNP na siguruhin na magiging payapa ang idaraos na halalan sa Mayo ng susunod na taon.

Sinabi ni PNP  Public Information Office Chief Brig. Gen. Jean Fajardo na noong isang taon ay anim na PAGs ang aktibo at naniniwalang mayroon pang grupo kaya naman hahabulin nila at lalansagin ito.

“I understand noong 2023 ay anim ‘yung active PAGs but for now there are still remaining active PAGs particularly in Region 3, Region 6 and the other one is in Mindanao area, so,  ang gusto ng ating Presidente is let us intensify our efforts na these listed PAGs ay hindi makakaimpluwensya at makakapaghasik ng gulo,” ani Fajardo

Mula Enero 1 hanggang Nobyembre 30, 2024 ay nasa 8,628 na mga indibidwal ang naaresto dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Law.

Umabot naman sa 25,240 na iba’t ibang baril ang nakumpiska habang 9,932 na mga baril ang isinuko para sa safekeeping.

Pinakaraming naaresto ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na nakapagtala ng 2,033 na sinundan naman ng police regional office 3 (PRO 3) na may 979 at ang  Police Regional Office 7 (PRO 7) na may 906 na naaresto.

Ang Region 7 naman ang may pinakamara­ming nakumpiskang baril na uma­bot sa 3,951 na sinundan ng PRO 6 na may 3,023 at NCRPO na may 2,175 na mga baril.

“We want to assure everyone and of course our Chief PNP and our President that the PNP is doing everything within its power and authority to address these potential PAGs”, ani Fajardo.

Muli namang hini­ling ng PNP ang suporta ng publiko sa pamamagitan ng pagre-report sa awtoridad ng mga Private Armed Group at loose firearms upang matiyak ang kapayapaan sa bawat komunidad.

EUNICE CELARIO