(Pagsabog naitala) SPECIAL ELECTION TANGKANG GULUHIN

LANAO DEL SUR- ILANG araw bago ang gaganaping special election sa lalawigang ito ay isang pagsabog ang naganap sa bayan ng Tubaran.

Batay sa ulat, nakatutok sa ilang bayan sa Lanao del Sur kung saan mabilis na rumesponde ang explosive ordnance unit, pulisya at militar sa pagsabog dakong ala- 1:20 ng madaling araw kamakalawa sa Barangay Tangcal.

Nangyari ang pagsabog malapit sa headquarters ni mayoralty candidate Nashif Madki na pamangkin ni Commission on Elections Chairman Saidamen Pangarungan.

Posibleng isang M203 grenade launcher ang ginamit sa pagpapasabog na sinasabing wala namang nasugatan o nasirang ari-arian.

Nabatid na naglunsad ng isang prayer rally nitong Biyernes si Mayor Yassin Papandayan na katunggali ni Madki para maging maayos at mapayapa gawing special elections sa bayan sa Mayo 24.

Magkakaroon ng special elections sa 12 barangay sa nasabing bayan matapos hindi makaboto ang mga residente roon.

Sinasabing hinarangan ng supporters ni Papandayan ang pagpapalabas ng mga elections materials dahil sa biglang pagbabago ng clustering ng mga polling precincts noong Mayo 9.

Bago ang halalan, nagreklamo si Papandayan sa pagiging malapit na kaanak ni Madki at sa dalawa pang kandidato kay Pangarungan at hiniling nito ang pag-inhibit ng chairman ng Comelec. VERLIN RUIZ