NANANAWAGAN ang isang environmental watchdog sa mga Pinoy na gawing ligtas at clean and green ang pagsalubong sa taong 2019.
Ayon kay EcoWaste Coalition national coordinator Aileen Lucero, mas mainam na maipagdiwang ng masaya, simple at hindi magastos ang pagpasok ng Bagong Taon.
Sinabi ni Lucero na maaari namang gumamit na lamang ng alternatibong mga pampaingay upang hindi na gumastos sa pagbili ng mga paputok at maging ligtas pa mula sa disgrasyang dala nito.
Paliwanag ni Lucero, sa pamamagitan din ng pag-iwas sa mga paputok ay mababawasan ang kumakalat na usok sa paligid na nakasasama hindi lamang sa kalikasan kundi maging sa kalusugan.
Ipinaliwanag ni Lucero na sa munting pamamaraan na ito ay nakapagbabahagi ang tao sa pangangalaga sa kalikasan.
“I-celebrate ito ng masaya, simple, hindi magastos at sama-sama ‘yung buong pamilya na hindi nasusugatan o nagkakaron ng disgrasya. Para sa environment, sana magbigay rin tayo ng share, at sana ito ‘yung share natin, salubungin natin na malinis ‘yung hangin, ang ating kapaligiran, at ligtas ang lahat,” ani Lucero, sa panayam ng church-run Radyo Veritas.
Nagpaalala rin si Lucero na bantayan ang mga anak sa paggamit ng mga alternatibong pampaingay na torotot, upang hindi makalunok ng pito, na taglay nito. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.