IPAGBABAWAL na ang pagsasampay ng mga pinatutuyong labada sa labas ng kani-kanilang bahay dahil nagsisilbi umano itong “eye sore” makaraang maipasa na ng Sangguniang Panglungsod ng Maynila ang ordinansa na “Tapat Ko, Linis Ko”.
Batay sa Ordinance No. 8572 o mas kilala na “Tapat Ko, Linis Ko Ordinance”, pananatilihin ng bawat residente ng Maynila ang kalinisan sa kanilang lugar lalo na sa mismong tapat ng kanilang bahay na tinitirhan kung saan mahigpit na ipagbabawal ang maling pamamaraan ng kanilang pagtatapon ng basura, paglalaba at pagsasampay ng kanilang mga damit lalo na sa tabi ng kalsada, pagtatayo ng anumang “obstruction” tulad ng tindahan, kulungan ng hayop, pagparada ng mga sirang sasakyan sa kalye at iba pang klase ng obstruction na maaaring makaapekto sa kaligtasan at kalusugan ng mga residente.
“An ordinance strictly requiring all residential and commercial establishments within the city of Manila to maintain the cleanliness and orderliness of their immediate surrounding and frontage, and providing penalties for violation thereof or otherwise known as Tapat Ko Linis Ko ordinance.” saad sa ordinansa.
Sa mga lalabag sa nasabing ordinansa ay mahaharap sa karampatang parusa kung saan sa 1st offense ay bibigyan ito ng warning/reprimand; 2nd offense ay pagmumultahin na ito ng P500; 3rd offense ay may multang P1,000; 4th offense ay may multang P3,000; at 5th offense ay pagmumultahin ito ng halagang P5,000 o kaya’y pagkakakulong ng hindi lalagpas sa 30 araw.
Ang nasabing ordinansa ay naipasa ng konseho sa inisyatibo ni Manila Vice Mayor Honey Lacuna katuwang sina Majority Floor Leader and 3rd District Councilor Atty. Joel Chua at ang prinsipal na may-akda na si 4th Dist. Counciloy Atty. Joel Villanueva.
Ang naturang ordinansa ay lalong magpapatibay sa adbokasiya ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na mapanatiling malinis at maayos ang buong lungsod ng Maynila kung saan sinimulan niya ito bago pa man maupo bilang alkalde ng lungsod na itinuturing na kabisera ng bansa. PAUL ROLDAN
Comments are closed.