UMAPELA ang isang grupo ng transportasyon kay Department of Transportations (DOTr) Secretary Jaime Bautista na pag-isipan nitong mabuti ang pagsasapribado ng EDSA bus carousel dahil hindi ginagarantiyahan ang kahusayan nito at malaki ang posibilidad na humantong lamang ito sa pagtataas ng pamasahe.
“Hinihikayat namin si Sec. Bautista na pag-isipan ito nang mabuti. Kaya kapag ipinasa sa mga malalaking negosyante ang dapat ay public service gaya ng EDSA Carousel, asahan nating tataas din ang pamasahe,” batay sa pahayag ni Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) president Mody Floranda.
Ayon sa PISTON, ang kasalukuyang mass transport crisis sa Metro Manila ay sintomas ng labis na pag-asa ng gobyerno sa pribadong sektor.
“Instead of giving up the EDSA Carousel to the private sector, there should be greater subsidies on social services like the Libreng Sakay program across different modes of mass public transit,” giit ni Floranda.
Idinagdag niya na sa halip na umaasa sa mga pribadong pamumuhunan, ang gobyerno ay dapat magpatupad ng mas mataas na kita at mga buwis sa ari-arian sa mayayamang pamilya at mga buwis sa malalaking korporasyon.
Kamakailan, pinaalalahanan na ng DOTr ang mga commuter na ang EDSA bus carousel na matatapos na sa Disyembre 31 ang Libreng Sakay, at kailangan na silang magbayad sa pagpasok ng Bagong Taon. EVELYN GARCIA