PAGSASABATAS SA ANTI-SMUGGLING BILL PINAMAMADALI

HINIMOK ng agriculture stakeholders si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lagdaan na ang panukalang batas na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa smuggling ng mga produktong pang-agrikultura.

Pirma  na lamang ni Marcos ang kailangan upang maging ganap ng batas ang Anti- Agricultural Economic Sabotage Act na niratipikahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso noong Mayo 22.

Sa ilalim nito ay itataas sa habambuhay na pagkabilanggo ang parusa sa mga smuggler, hoarder, cartel,  profiteers at mga nagsasamantala sa mga produktong pang-agrikultura gaya ng bigas, karne, at isda. Papatawan din sila ng multa na katumbas ng triple ng halaga ng sangkot na produkto.

Ayon sa pangunahing sponsor ng nasabing panukalang batas sa Kongreso na si AGAP Party-list Rep. Nicanor Briones, magkakaroon din ng national council sa ilalim ng opisina ng Pangulo upang manghuli ng mga sangkot sa smuggling, hoarding, at profiteering.

Kasama sa mga manghuhuli sa mga lalabag sa naturang batas ang National Bureau of Investigation (NBI),Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), Department of Trade and Industry (DTI), at Department of Justice (DOJ).

Pero sa ilalim ng naturang bill, hindi kasama ang Bureau of Customs (BOC) bagama’t sila ang unang may mandato upang sugpuin ang smuggling sa bansa.

“Sila ang concerned, e. Departamento nila ang pag sinabing smuggling, e Customs ‘yan. So, dapat independent ang manghuhuli dun sa posibleng hinuhuli. O paano mo huhulihin ‘yung mismong  manghuhuli at hinuhuli e iisa. So, hindi sila dapat kasama,” sabi ni Briones sa isang press conference noong Martes.

Sa datos ng Philippine industries, aabot sa P250 billion ang buwis na nawawala sa gobyerno taon-taon dahil sa smuggling.

Layunin ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act na protektahan ang bansa mula sa tax evaders  at non-payers o hindi nagbabayad  ng tamang buwis. Pangunahing layunin din na naturang measure ang pagprotekta sa  kapakanan ng Philippine agricultural producers, consumers, at buong ekonomiya ng bansa.

Paliwanag ni Briones na ang pangunahing layunin ng  House version ay ang ipawalang-bisa ang  Republic Act 10845, o ang  “Anti-Agricultural Smuggling Act,” at magpatupad ng mas mabigat na parusa  sa mga smuggler, hoarder, profiteer, at cartel ng  agricultural at fishery products.

MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA